HOTSHOTS VS ROAD WARRIORS SA Q’FINALS

DINOMINA ng NLEX ang NorthPort sa duelo ng mga kulang sa taong koponan, 109-95, upang selyuhan ang sixth seed sa PBA Philippine Cup quarterfinals kahapon sa Araneta Coliseum.

Pinangunahan nina Raul Soyud at Philip Paniamogan, pinunan ang pagkawala nina injured stalwarts Kevin Alas at JR Quinahan, ang balanseng atake ng NLEX tungo sa wire-to-wire victory kontra Batang Pier na naglaro na wala sina Robert Bolick at Jamie Malonzo dahil sa health protocols.

Tinapos ng tropa ni Yeng Guiao ang elims sa back-to-back wins para sa 6-5 overall, sapat para makasiguro ng puwesto sa best-of-three quarterfinals kontra No. 3 team.

“This game will assure us of sixth place and keep us from seventh or eighth. Mahirap kasi pag seventh or eighth ka, kalaban mo No. 1 or 2 tapos may twice-to-beat disadvantage ka pa,” sabi ni Guiao.

“If we couldn’t get third, fourth or fifth, sa sixth okay na kami. Parehas din iyan ng third kung incentives ang pag-uusapan pagdating sa quarterfinals,” dagdag pa ni Guiao.

Kumubra si Soyud ng 19 markers at 6 rebounds habang tumipa si Paniamogan ng 15, tampok ang apat na tres, at humablot ng 7 rebounds. Tinulungan ng dalawa ang NLEX sa 28-16 kalamangan sa kanilang mainit na simula.

Nagbuhos sina Calvin Oftana at Don Trollano ng 18 at 16 points, ayon sa pagkakasunod, habang nagdagdag si Tony Semerad ng 15 para sa NLEX.

Hindi tulad ng NLEX, hindi nakahanap ng paraan ang NorthPort para punan ang pagkawala nina Bolick at Malonzo at tinapos ang elims na may 3-8 record.

“Malaking bagay na wala sina Berto at Malonzo, sila talaga ang core ng NorthPort. Pero wala rin si Kevin at JR sa amin so nag-even-up lang,” ani Guiao.

“It was just really our desire. Gusto talaga naming makuha yung sixth, ayaw naming maglaro ng may twice-to-beat disadvantage. So kinayod talaga naming maipanalo ang game na ito,” dagdag pa niya.

Nanguna si rookie JM Calma na may 21 points at 9 rebounds para sa Batang Pier, na naghabol ng hanggang 27 points.

Sa ikalawang laro, pinataob ng Magnolia ang Blackwater, 75-66, upang umangat sa 8-3 kartada at kunin ang third seed sa quarterfinals.
Makakasagupa ng Hotshots ang Road Warriors sa race-to-two contest.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Unang laro:
NLEX (109) – Soyud 19, Oftana 18, Trollano 16, Paniamogan 15, Semerad 15, Chua 9, Miranda 8, Fonacier 4, Varilla 3, Nieto 2, Ighalo 0.
NorthPort (95) – Calma 21, Ferrer 16, Sumang 12, Ayaay 11, Vigil 10, Balanza 8, Dela Cruz 7, Santos 4, Subido 3, Javier 3.
QS: 28-16, 57-39, 83-66, 109-95
Ikalawang laro:
Magnolia (75) – Lee 22, Abueva 15, Sangalang 8, Dionisio 7, Corpuz 7, Jalalon 4, Barroca 4, Wong 4, Ahanmisi 2, Dela Rosa 2, Reavis 0.
Blackwater (66) – Ganuelas-Rosser 12, Suerte 8, Casio 7, Escoto 7, Ular 6, Amer 6, McCarthy 5, Dyke 5, Ayonayon 5, Melton 2, Go 2, Publico 1, Ebona 0.
QS: 13-15, 27-32, 49-49, 75-66.