‘HOUSE OF KOBE’, GUGUNITAIN SA VALENZUELA CITY

HOUSE OF KOBE

MANANATILING buhay sa mga taga-Valenzuela ang mga nagawa at napasikat na basketball moves ng kinikilalang Black Mamba na si Kobe Bryant dahil sa binuong “House of Kobe” na makikita sa Barangay Karuhatan.

Matapos ang tragic death ni NBA Legend Kobe Bryant, kasama ang 13-taong gulang na anak na babae at pitong iba pa sa isang helicopter crash noong Lunes sa Calabasas City sa Los Angeles, maraming NBA fan at supporter, partikular na ang mga Pinoy ang nagbigay ng pagkilala sa mga naiwan ng kinikilalang greatest basketball players of all time.

Ayon kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, “Malaking bagay ang pagkakaroon ng “House of Kobe” dahil maraming nagmamahal sa sikat na Black Mamba na si Kobe Bryant at dito nila muling makikita at masisilayan ang kanilang NBA Legend na hindi mawawala at patuloy na gugunitain.”

Makikita sa “House of Kobe,” ang mga malala­king mural ni Kobe Bryant sa pader na pininta ng mga grupo ng painter bilang paggunita sa yumaong sikat na basketbolista, Lakers me­morabilia, kabilang na sa T-shirt na isinabit sa side railings, mga larawan ng team mates ni Bryant at ang iba pang NBA Hall of Famer.

Pinaburan naman ni Valenzuela City 2nd District Representative Eric Martinez, committee chair on youth and sports development, ang programa bilang pagkilala sa Black Mamba na kung saan ay isa rin siya sa sumusuporta sa nasawing NBA legend.

May temang “Heroes come and go but legends are forever” na hindi kailan man malilimutan ang mga naiambag sa larangan ng palakasan ang mga nagawa ni Kobe. VICK TANES