NAGSAGAWA ng house-to-house swab testing ang Las Piñas City Health Office (CHO) sa 41 residente ng lungsod na napag-alamang nak-asalamuha ng mga indibidwal na naapektuhan ng COVID-19.
Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar, ang 41 na residente ay nagmula sa iba’t-ibang barangay sa lungsod na nabatid ng mga contact tracer na nagkaroon ng pakikisalamuha sa mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 samantalang ang iba naman ay hindi sumusunod sa health protocol na mahigpit na iniimplementa ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Aguilar, patuloy pa rin ang pagsasagawa at pagpapaigting ng contact tracing sa buong 20 barangays sa lungsod upang hindi na muling kumalat pa ang COVID-19.
Bukod sa pagsasagawa ng house-to-house swab testing, ipinagpapatuloy pa rin ng CHO ang pagte-testing sa iba’t-ibang barangay na kinilala ng mga contact tracer na may maraming kaso ng nakamamatay na virus.
Nanawagan naman si Aguilar sa mga residente na ipagpatuloy ang pagsunod sa health protocols na mahigpit na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at pag-iwas na din sa mga aktibidad na hindi naman kinakailangan. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.