HUMAN TRIAL NG COVID-19 VACCINE SA US, TAGUMPAY

Vaccine

NAGING matagumpay ang human trial ng experimental vaccine laban sa COVID-19 ng kompanyang Moderna sa Amerika.

May 45 volunteers ang sumailalim sa trial para sa bakuna.

Sa mga tumanggap ng bakuna, wala ni isa ang nakitaan ng seryosong side effect.

Mahigit kalahati naman ang nakaranas ng mild o moderate reactions gaya ng fatigue, headache, chills, muscle aches o pain sa bahagi ng katawan kung saan itinurok ang bakuna.

Ayon sa research team, normal na side effects ng bakuna ang mga naranasan lalo na pagkatapos ng se­cond dose.

Ang Moderna ang unang kompanya na nakapagsagawa ng human testing ng bakuna laban sa COVID-19.

Samantala, umakyat na sa kabuuang bilang na 58,850 ang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID- 19) na naitala sa Filipinas.

Batay sa case bulletin na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na hanggang 4PM nitong Hulyo 15 ay nakapagtala pa sila ng karagdagang 1,392 bagong virus infection.

Sa naturang bilang, 512 ang fresh cases habang 880 naman ang late cases.

Ang magandang balita naman ay mayroon pang 517 na bagong naitala na nakarekober mula sa virus sanhi upang umabot na ngayon sa 20,976 ang total COVID-19 recoveries sa bansa.

Mayroon namang 11 pang naitalang nasawi dahil sa virus at sa naturang bilang, lima ang namatay ngayon lamang Hulyo habang ang anim ay noong Hunyo ngunit ngayon lamang naiulat sa DOH.

Ang pito naman sa mga nasawi ay nasa edad 60 pataas kaya’t patuloy ang paalala ng DOH sa mga senior citizen na ma­ging maingat upang hindi dapuan ng virus.

Sa kabuuan naman, umaabot na ngayon sa 1,614 ang COVID-19 death toll sa bansa. LIZA SORIANO, ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.