(Humingi ng P35,000) PULIS NA NAGPALAYA NG PRESO HINAHANTING NA

Debold Sinas

TAGUIG CITY – PINAG­HAHANAP na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pulis na nakatalaga sa Taguig Station Drug Enforcement Unit (SDEU)  na nakatakas sa entrapment operation makaraang manghingi ng P35,000 kapalit ng paglaya ng kanilang hinuling drug suspect.

Sa press briefing na naga­nap kahapon, kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Debold Sinas ang nasangkot na pulis na si Police Corporal Hadzmer Amer.

Ayon kay Sinas, isinagawa ang entrapment operation ka­makalawa ng gabi sa General Luna Street, Brgy. Tuktukan, Taguig City.

Base sa reklamo ng hindi pinangalanang kinakasama ng nahuling suspek, nanghingi sa kanya ng halagang P35,000 si Amer kapalit ng kalayaan ng kanyang ka-live-in partner.

Sinabi ni Sinas na sa ikinasang entrapment operation kay Amer ay nakahalata ito na maraming pulis na nakapaligid sa lugar ng pagkikitaan nito sa live-in partner ng kanyang hinuling suspek kung kayat agad itong humarurot sakay ng kanyang motorsiklo makaraang maiabot sa kanya ang halaga ng pera na napagkasunduan nila.

“Noong nagbigayan na ng pera, kasi sa tabi lang ng kalsada nagbigayan, nakatakbo si Hadzmer Amer noong nakita niyang papalapit na ‘yung mga pulis, kinuha niya ang pera sa babae at using his motorcycle, humarurot siya,” ani Sinas.

Sa kasalukuyan ay pinag­hahanap ng kanyang mga kabaro si Amer na pinasusuko ng kanyang mga nakatataas na opisyal upang madinig ang kanyang panig sa pangyayari.

Kapag napatunayang nagkasala si Amer ay sasampahan siya ng kasong robbery-extortion sa Taguig City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.