HUWAD NA DENTISTA HULI SA ENTRAPMENT OPS

BATAAN-KALABOSO ang isang lalaki na isa pa lang welder at nagpapanggap umanong dentista matapos maaktuhan sa.pain ng mga awtoridad na nagsasagawa ng pagbubunot ng ngipin sa loob ng kanyang bahay na ginawa nitong klinika sa Kitang Dos, Barangay Bario Luz, Limay.

Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bataan Provincial Chief P/Major Alvin Christopher Baybayan, nakilala ang nadakip na si Bienvenido Pecayo, 46 anyos , may-asawa at residente sa nabanggit na lugar.

Sa ulat, nagkasa ang mga otoridad ng isang entrapment operation laban sa suspek makaraang makatanggap sila ng reklamo hinggil sa pag-aakto umano nitong isang dentista at iligal na opersyon ng pagbubunot ng ngipin sa loob mismo ng kanyang tahanan.

Aminado ang suspek sa kanyang iligal na operasyon at pagpapangap umano na isang dentista.

Natutunan daw niya ang pagtuturok ng anestisya at pagbunot ng ngipin sa isang kakilala na simula ng matutunan ay pinagkakitaan na, iniwan na daw nito ang pagiging welder.

Hinanapan ng mga otoridad ng lisensiya mula sa Professional Regulations Commission (PRC) ang suspek pero wala itong maipakita.

Nakumpiska sa raid ang mga materyales na pambunot ng ngipin na gamit ng suspek sa kanyang iligal na operasyon.

May babala naman ang mha otoridad sa mga indibidwal na gumagawa ng mga ganitong uri ng iligal na operasyon na huwag ng tangkain gawin pa dahil tiyak na huhuliin sila at mananagot sa batas.

Nanawagan din ang mga otoridad sa publiko na huwag tangkilikin ang mga hindi lisensiyado o otorisadong klinika at mha kahalintulad nito upang hindi makompromiso o malagay sa panganib ang kalusu­gan. ROEL TARAYAO