Tuloy-tuloy pa ang pagbabatikos ni Senadora Imee sa pagsusulonng na amiyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng people’s initiative at sinabing mabibigo lang ito dahil sa lantarang panunuhol at mapanlilang na taktika gamit ang pondo ng taumbayan.
Bagama’t bukas ang Senado sa rebisahin ang economic provision ng Saligang Batas, sinabi ni Marcos na dapat umanong tiyaking sumusunod ito sa tamang proseso at hindi para linlangin ang publiko.
“Ang mga senador hindi naman tutol sa pagbabago ng economic provision. Sabi nga namin, tama naman ‘yan, overdue na nga ‘yan. Hindi rin kami tutol sa people’s initiative sa tamang pamamaraan. Pero ‘wag nililinlang ‘yong mga tao na may kinalaman sa ayuda, higit sa lahat ‘wag namang pera para sa pirma. Hindi tama ‘yon,” sabi ni Marcos sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.
Ayon sa mambabatas, nakababahala aniya dahil sangkot sa signature drive ang ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), at Department of Labor and Employment (DOLE) in the signature drive.
“Hindi naman pwedeng suhulan at nanlilinlang ng tao kaya’t ginagamit pa ‘yong DSWD, DOH at ang DOLE. Naku naman, talaga namang pera pa ng bayan, hindi naman yata tama ‘yon,” diin ni Marcos.
Binigyang diin pa ng senador na malinaw ang legal framework at detalyadong methodology ang patuloy na pagtutulak ng people’s initiative. Mahalaga rin aniya na may malinaw ng komunikasyon at pang-unawa ng publiko tungkol sa posibleng pagbabago ng Konstitusyon.
“Dapat maipaliwanang ng maigi sa mga tao kung talagang naintindihan nila ang mga patakaran na sinasabi,” punto pa niya.
Pinuna rin ng senadora ang proseso ng botohan sa people’s initiative, kung saan iminumungkahi ng mga nagtutulak nito na magkaroon ng magkasanib na botohan ang House of Representatives at Senado, bagay na mariing tinututulan ng mga senador.
“Hindi naman sa gusto naming pumapel, pero naitsapwera ‘yong Senado. Dapat ‘yong dalawang bahay ng Kongreso ay sabay-sabay na makikitungo at boboto,” ayon kay Marcos. Aniya, kailangang magkaroon ng unified approach sa proseso ng paggawa ng desisyon.
Nagtaas pa ng kilay ang senadora sa hindi proporsyonalidad sa kapangyarihan sa pagboto dahil ang kanilang grupo sa Senado na 24 lamang ay maaring matabunan lang ng napakalaking boto mula sa Kamara
“Parang nakakatawa naman, bebente-quatro lang kami, malulunod kami sa higit 300 boto nila at wala na kaming say. Hindi naman ganoon,” saad pa ni Marcos. “Sa ating Saligang Batas, ang maliwanag ay bicameral kaya kailangan pakinggan din ang mga senador.” VICKY C