NAGALIT ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pahayag ng isang environmental group na sinasabi na ang kalidad ng hangin sa Filipinas ay lumalala. Para sa DENR, walang katotohanan ito at mali raw ang batayan nila upang sabihin na grabe na ang polusyon natin sa hangin.
Sa katunayan, pinag-iisipan ng nasabing ahensiya na sampahan ng kaso ang Greenpeace Philippines upang maturuan ng leksiyon na maging responsable sa mga pahayag na inilalabas nila sa publiko.
Ayon kasi sa Greenpeace Philippines ay palala nang palala ang kundisyon ng hangin sa ating bansa dahil daw sa coal plants na naghahasik ng polusyon sa ating kapaligiran at nakasisira sa kalikasan.
Sa totoo lang, dito pa lang sa sinabi ng Greenpeace ay mali na agad sila. Ang hirap kasi sa Greenpeace at iba pang mga environmental group ay may ‘tapa ojo’ na sila sa pananaw tungkol sa coal plants. Inihahambing ko ang ‘tapa ojo’, dahil ito ‘yung inilalagay sa gilid ng mga mata ng kabayo na humihila ng kalesa. Ito ay upang walang makita sa tagiliran nila at nakapokus lamang ang kanilang paningin sa kalsada.
Tulad ng Greenpeace, wala na silang ibang sinisisi kundi ang coal plants bilang sanhi ng pagkasira ng ating kalikasan at pagdumi ng hangin sa ating kapaligiran. Maraming lumabas na pag-aral na ang mga makabagong coal power plant ay may makabago rin na teknolohiya. Halos maliit na ang inilalabas na polusyon. Nare-recycle pa nga ang usok na lumalabas dito at makagagawa ng mga hollow block na maaring makatulong sa pabahay sa komunidad.
May pag-aaral din na ang mga ibinubuga na usok na lahat ng mga coal power plant sa buong Filipinas ay wala sa kaling-kingan ng polusyon na ibinubuga ng mga tambutso ng mga lumang jeepney, trucks at bus na gumagamit ng makalumang makina ng diesel. Ito ‘yung mga tinatawag natin na smoke belchers.
Tingnan na lamang natin ang kulay ng kapaligiran ng Manila at Makati sa umaga mula sa Antipolo o sa Quezon City. Ang dumi! Kitang kita mo ang polusyon ng hangin na bumabalot sa mga matataas na gusali ng mga nasabing lungsod. Wala namang coal plant doon. Ito ay nagmumula sa mga buga ng tambutso ng mga sasakyan na natatrapik sa EDSA. Bakit hindi nababanggit ito ng Greenpeace Philippines at mga ibang environmental group? Bakit hindi sila magprotesta sa harap ng mga bus companies o sa PISTON at iba pang transport group? Nakakapagtaka lang.
Kaya naman paliwanag nu DENR Usec. Benny Antiporda na “Alam naman natin na again it falls back to the economic status of our country. Marami pang sasakyan diyan na masama ‘yung tambutso. Alam naman natin ‘yang particulate matter na 2.5, kadalasan ay nanggagaling ‘yan sa tambutso ng mga sasakyan din”.
Batay kasi sa World Health Organization (WHO), ang lebel ng tinatawag na particulate matter (PM) ay hindi dapat lalagpas ng 2.5 micrometers o PM2.5. reaching an average of 17.6 micrograms per cubic meter last year. Such pollutant come from combustion of fuels and other sources.
Sinabi pa ni Antiporda na ang ating pamahalaan ay nagmo-montor ng kalidad ng ating hangin araw-araw at hindi estimasyon tulad ng pahayag ng Greenpeace Philippines. Ayon sa Environmental Management Bureau walang lumagpas sa PM2.5 sa Metro Manila.
Sang-ayon ako kay Usec. Antiporda. Hindi natin kailangan ng karagdagang fake news na magbibigay takot sa ating mamamayan. Tignan na lang natin ang nagagawa ng mga fake news noong pumutok ang Taal Volcano? Ang pagkalat ng novel coronavirus o COVID-19? Samu’t saring fake news ang naglabasan na nakasira ng normal na takbo ng buhay natin…tapos heto pa ang Greenpeace Philippines na magsasabi ng isa pang fake news. Hay naku!
Comments are closed.