HUWAG MAGING ABUSADO SA KRISIS DULOT NG COVID-19

Magkape Muna Tayo Ulit

Isang buwan na ang nakaraan mula nang magdeklara ang ating pamahalaan ng enhanced community quarantine o ECQ. Sa madaling salita, isang buwan na tayong naka- lockdown. Bawal lumabas upang magtrabaho. Ang mga kalakalan, at hanapbuhay ay natigil.  Kaya naman ang suliranin ngayon ng karamaihan nating mamamayan ay kung papaano nila maitatawid ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan dahil wala silang trabaho. Malaking dagok ito sa pangkalahatang ekonomiya ng ating bansa dahil hindi gumagalaw ang ating piso.

Sa isang ipinasang batas na ‘Bayanihan to Heal as One Act’ ang ating gobyerno ay naglaan ng mahigit P275 billion upang gumawa ng paraan na makatulong maibsan ang paghihirap ng ating mamamayan dulot ng COVID-19.

Kasama sa nasabing batas ay ang pagbili ng mga testing kit para sa COVID-19 at marami pang kaugnay na ayuda sa aspeto ng kalusugan. Kasama rin dito ay ang pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 kada buwan sa mga mahihirap nating mamamayan na nawalan ng trabaho dulot ng ECQ. Handa rin magbigay ang ating pamahalaan ng P100,000 na compensation sa ating mga health worker na nasa frontline kung sakaling mahahawaan sila ng COVID-19 at P1 million naman kada health worker kung sa sinamang palad ay masawi sila dulot ng COVID-19.

Malinaw na ang ating pamahalaan ay ginagawa ang abot kaya nila upang tulungan tayo. Ganun din ang malalaking mga negosyante na nagbibigay ayuda sa ating mga mamamayan.

Subali’t sa mga ganitong tulong na tinatanggap natin, huwag naman sana nating abusuhin ito. Magtulungan tayo. Ang agos ng pakikipagtulungan ay hindi pulos tanggap. Kailangan ay makiisa rin tayo upang makatulong sa ating lipunan.

Huwag natin abusuhin ito. Tulad na lang ng panukala ng Power for People Coalition (P4P) na nagsasabi na dapat ay hindi na raw tayo magbayad ng ating kinonsumo na koryente ngayon habang nasa ilalim tayo ng ECQ. Ha??? Ano ba ‘yan?! Kung ganyan ang baluktot na pag-iisip, eh ‘di libre na ang lahat. Huwag na rin tayo magbayad ng mga ginamit natin sa credit card. Huwag na tayo magbayad ng mga inutang natin sa bangko. Huwag na rin tayo magbayad ng ating mga buwis. Huwag na tayo magbayad ng renta sa ating tinutuluyan. Libre na ang lahat dahil wala tayong hanapbuhay.

Hay naku. Ano ba namang pag-iisip na ito? Huwag tayo mapang-abuso. Huwag natin gamitin ang mga ganitong sitwasyon upang usigin ang damdamin ng mga naghihirap nating mga mamamayan. Ang P4P ay tila hindi naiba  sa utak ng militanteng grupong Kadamay. Nililinlang at pinaglalaruan ang mga emosyon ng mga naghihirap upang magkaroon ng kaguluhan. Huwag naman tayo ganito.

Ang kailangan natin ay Bayanihan. Nakasisiguro naman ako na ang mga bangko at iba pang institusyon sa  koryente, tubig, telepono, insurance at iba pang negosyo na may buwanan tayong binabayaran ay mapang-unawa sa ganitong sitwasyon tulad din ang ating pamahalaan. Gagawa sila ng paraan upang makatulong maibasan ang mga OBLIGASYON natin na dapat bayaran at mga pagkakautang. Sistema ang kailangan. Hindi anarkiya!

Comments are closed.