IBALIK ANG DEATH PENALTY

Magkape Muna Tayo Ulit

NANAWAGAN si Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na ibalik ang death penalty o parusang kamatayan sa mga mabibigat na kasong sangkot sa ilegal na droga. Ang nasabing panukalang batas ay naipasa na sa House of Representatives noong nakaraang taon at nakabinbin hanggang ngayon sa Senado. Umapela si Rep. Barbers na aksiyunan na ito sa mataas na kapulungan, ngayon pa na ang Senate President  ay si Tito Sotto, isang kilalang kampeon laban sa ilegal na droga.

Sabi ni Barbers na bagama’t may mga batas na tayo laban sa mga ipinagbabawal na droga at dagdag pa rito ay ang seryosong kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga, nagtataka pa rin daw siya kung bakit talamak pa rin ang pagbenta at pagpasok ng droga sa ating bansa. Inihinga niya ang kanyang saloobin habang dinidinig nila sa komite ang paglusot sa Bureau of Customs (BOC) ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.

Si Rep. Ace Barbers ay anak ng yumaong senador na si Robert ‘Bobby’ Barbers. Naki­lala at sumikat si Bobby Barbers dahil sa kanyang matinding kampanya laban sa krimen noong siya ay miyembro ng kapulisan sa Maynila. Tumakbo at nanalo bilang kongresista ng Surigao del Norte.

Napansin siya ni dating Pangulong Ramos sa kanyang kakaibang sigasig sa Kongreso at itinalaga siya bilang kalihim ng DILG. Pagtapos noon ay tumakbo siya sa Senado at nagwagi.

Parehas ang adhikain at kampanya ni Rep. Ace Barbers at ang kanyang yumaong ama tungkol sa sa ilegal na droga.  Dapat ay paigtingin ang krusada laban dito. Sayang ang malaking oportunidad dahil ganito rin ang paniniwala ni Pangulong Duterte kontra droga. Ang pagbalik ng parusang kamatayan sa mga krimen na sangkot sa  droga ay karagdagang ngipin ng pamahalaan laban sa mga tinaguriang mga drug lord sa ating bansa.

Ayon pa kay Rep. Barbers, ang House Bill No. 4727 ay isang batas na talagang sakto sa mga kriminal na nagpapasok at nagbebenta ng ilegal na droga sa l bansa. Para sa kongresista, parusang kamatayan lamang ang maiintindihan ng mga adik, drug lord at kanilang sindikato upang sila ay tumigil sa ganitong bisyo at negosyo o kaya lisanin ang ating bansa sa takot na matigok sila kapag mahuli sila ng ating mga awtoridad.

Ayan, sana naman ay nakalampag natin ang ating mga magigiting na senador na aksiyunan na ang nasabing panukalang batas na ito.

Sang ayon ako kay Barbers. Matatandaan na binawi ang  parusang kamatayan matapos na ito ay ipatupad sa isang ama na nanggahasa sa kanyang anak. Siya ay si Leo Echegaray. Siya ang kauna-unahan na napatawan ng kamatayan noong 1993. Pagkatapos noon ay naging malaking isyu ang parusang kamatayan na pinakialaman ng Simbahang Katoliko at  oposisyon.

Binawi ang nasabing batas noong ika-15 ng Abril 2006.

Ang panawagan ni Rep. Barbers na ibalik ang death penalty ay nakatuon lamang sa mga krimen na sangkot ang ilegal na droga. Sa totoo lang, ang dating parusang kamata­yan ay hindi naramdaman ang epekto sa mga kahindik-hindik na krimen. Bakit? Eh nabawi agad kasi ang nasabing parusa! Hindi nalalayo ito sa mga pagpapatupad ng mga batas trapiko natin. Bakit madami pa ring pasaway na motorista? Dahil hindi nararamdaman ang penalty at pagdidisiplina sa kanila ng ating mga traffic enforcer at kapulisan sa tinagal ng panahon.

Tulad sa ibang bansa, seryoso sila sa implementasyon ng mga parusa na ayon sa kanilang mga batas. Alam ba ninyo kung bakit halos walang krimen sa bansang Singapore? Dahil talagang tinutuluyan nila ang mga lumalabag sa batas. Papatawan sila ng parusa ayon sa kanilang batas. Ang mga menor na krimen tulad ng pagnanakaw at iba pang paglabag ng mga ganitong uri ng batas ay paghataw ng baston ng ilang beses ang parusa. Masakit yun! Walang tumututol na labag ito sa karapatan pantao. Kita ninyo naman ang asenso ng Singapore at gaano sila nabubuhay ng mapayapa. Hindi sila takot maglakad sa gabi dahil alam nila na safe sila.

Biruin ninyo… sa menor na krimen sa Singapore ay hahatawin sila ng ilang beses ng baston. Eh ano pa kaya sa mga karumal-dumal na krimen? Tiyak kamatayan ang kalalagyan ng mga kriminal. Kaya tama si Rep. Robert Ace Barbers… ibalik ang parusang kamatayan para mawala na ang ilegal na droga sa ating bansa.

Comments are closed.