IBANG PANANAW PATUNGKOL SA PANDEMYANG COVID-19 AT SA BAKUNA LABAN DITO

JOE_S_TAKE

UMABOT na sa humigit kumulang 63 milyon ang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa buong mundo. Halos isa’t kalahating milyon ang bilang ng mga nasawi at higit sa 40 milyong katao naman ang gumaling mula sa virus. Halos siyam na buwan na mula nang ideklarang isang pandemya ang COVID-19 ngunit hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga kaso sa buong mundo.

Maging sa Filipinas ay patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19. Umabot na ng higit sa 430,000  ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa bansa – halos 23,000 rito ay nakatala bilang aktibong kaso.

Kamakailan lamang, maging sa bansang US ay umugong ang mga balita na muli na namang nakitaan ng mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa nasabing virus. Bunsod nito, ilan sa mga higanteng pangalan sa industriya ng parmasyotikong gaya ng Pfizer at Moderna, Inc ang nagnais makapaglunsad ng mga bakunang kanilang ginawa. Ang bakuna mula sa dalawang nabanggit na kompanya ay tinatayang may antas na bisa na humigit kumulang 95%.

Mismong ang US Food and Drug Administration (FDA) ang nagkumpirma na kasalukuyang humihingi ng pahintulot ang nasabing mga kompanya upang magamit ang kanilang produktong bakuna bilang tugon sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa sa lalong madaling panahon.

Wala pang isang linggo mula nang lumabas ang magandang balitang handa na ang bakunang mula sa Pfizer nang maglabas ng pahayag si Dr. Michael Yeadon, dating bise-presidente at Chief Scientist for Allergy & Respiratory ng nasabing kompanya, na hindi na raw kinakailangan ng bakuna laban sa COVID-19 dahil tapos na raw ang pandemyang ito sa UK. Hawak ni Yeaden ang pinakamataas na posisyon para sa mga mananaliksik ng Pfizer nang umalis ito sa kompanya noong 2011.

Ayon sa artikulo ni Yeadon na nakalathala sa Lockdown Sceptics noong Oktubre, hindi na raw kinakailangan ng bakuna upang mabigyan ng katapusan ang pagiging pandemya ng COVID-19. Diumano, hindi na raw kinakailangan bigyan ng bakuna ang mga taong hindi naman mataas ang peligrong magkaroon nito. Hindi rin daw dapat pinaplano ang pagbibigay ng bakuna sa milyon-milyong katao lalo na kung ang mga ito ay nasa mabuting kalusugan dahil hindi raw naging malawakan ang pagsubok nito sa tao.

Binigyang-diin din ni Yeadon ang nakita nitong dalawang krusyal na pagkakamali ng Scientific Advisor Group for Emergencies (SAGE) na tila nagresulta raw sa pagpapahirap sa mga mamamayan ng UK sa loob ng nakaraang pitong buwan.

Ang SAGE ay isang ahensiya ng pamahalaan ng UK na inatasang magbigay ng payo sa pamahalaan sa panahon ng mga emerhensiya. Malaki ang papel na ginampanan ng SAGE sa mga panuntunan sa pagpapatupad ng mga community lockdown sa UK bilang tugon sa pagkalat ng COVID-19.

Ang dalawang pagkakamali ng SAGE na tinukoy ni Yeadon sa kanyang artikulo ay ang mga sumusunod: 1) Ang pag-aakalang 100% ng populasyon ay madaling kapitan ng COVID-19; at 2) Ang paniniwala na ang porsiyento ng bilang ng populasyon na nagkaroon na ng COVID-19 ay maaaring matukoy sa pamamagitan ng kaalaman ukol sa kung ilang porsiyento na ng populasyon ang may tinatawag na antibodies.

Ayon kay Yeadon, nagkamali ang SAGE sa pagdeklara na lahat daw ay maaaring tamaan ng COVID-19. Hindi raw nito isinaalang-alang ang mga pag-aaral ng mga immunologist sa bansa na nagsasaad na 30% ng populasyon ay mayroon nang immunity. Tila ang tinutukoy ni Yeadon na ligtas sa pagkakasakit ay ang mga batang nasa murang edad lamang dahil hindi pa aniya matured ang bayolohiya ng mga ito.

Dagdag pa ni Yeadon na kung isasaalang-alang ang katotohanan sa likod ng konsepto ng herd immunity, na nagsasabi na kung bababa na sa 28-35% ang posibilidad ng pagkakaroon ng virus, kusa na raw itong mawawala.

Ilang mga eskperto ang pinasinungalingan ang mga pahayag ni Yeadon pagpasok ng buwan ng Nobyembre. Isa rito ang Science Feedback, isang non-profit na organisasyon na kumikilatis sa kredibilidad ng mga maimpluwensiyang pahayag ukol sa klima at kalusugan. Ang nasabing organisasyon ay naglabas ng pahayag na hindi raw totoo ang pahayag ni Yeadon na tapos na ang pandemya sa UK. Ang nasabing artikulo ng Science Feedback ay inilabas din ng Poynter Institute sa kanilang website. Ang Poynter Institute ay kilala sa larangan ng Journalism.

Maging ang YouTube  ay hindi nagpakita ng suporta sa mga pahayag ni Yeadon. Sa katunayan, tinanggal nito ang isang video ni Yeadon kung saan ipinapayag nito ang kanyang mga duda sa kawastuhan ng mga COVID-19 test. Ang nasabing video ay tinanggal dalawang oras matapos itong mai-upload.

Mahalagang bagay ang makapagbasa ng opinyon ng mga eksperto ukol sa pandemyang COVID-19. Importanteng maglaan ng oras na basahin ang iba’t ibang perspektibo ukol sa usaping ito upang magka-roon ng tamang kaalaman. Ugaliing suriin ang pahayag ng bawat eksperto dahil bagama’t sila ay eksperto sa kanilang larangan, hindi ito nangangahulugan na hindi sila maaaring magkaroon ng pagkaka-mali sa kanilang mga pahayag. Sa panahon ngayon, lubhang mahalaga ang pagsusuri sa mga impormasyong nababasa natin sa internet.

Comments are closed.