IBA’T IBANG PAGKAING ‘DI NAWAWALA SA HAPAG NG BAWAT PAMILYA

PAGKAIN-9

(Ni CS SALUD)

UMULAN man o umaraw, may mga paboritong pagkain ang bawat pamilya na hindi nawawala sa hapag o madalas na hinahanap-hanap ng ating panlasa.

Bawat putaheng inihahanda sa lamesa, gusto nating masarap at iba-iba. Kung paulit-ulit din kasi ang ihahanda natin sa mga mahal sa buhay, puwedeng pagsawaan nila. Puwede rin namang hindi.

May mga tao nga naman kasing ayaw na ayaw na nauulit ang pagkain.

Samantalang ang iba naman, kahit na maya’t maya itong kainin, okey na okey lang at sarap na sarap pa rin. Kumbaga, hindi nila ito pinagsasawaan.

Pero may mga pagkaing sa anumang panahon, swak na swak sa panlasa ng kahit na sino. Gaya na lang ng mga sumusunod:

CHAMPORADO AT ARROZ CALDO

Nangunguna sa ­ating listahan ang champorado at arroz caldo. Mainit man o malamig ang panahon ay kinahihiligan natin ito.

Masarap nga naman ang champorado sa umaga lalo na kung may kasama itong gatas at tuyo.

Gayundin ang arroz caldo, wala itong ka­sing sarap kaya’t kinahihiligan din ng maraming tsikiting o iyong mga matatandang may “pusong tsikiting”.

Wala ring panahon ang mga naturang pagkain dahil umulan man o umaraw, swak na swak itong ihanda at pagsaluhan.

Madali lang din itong gawin at abot-kaya sa bulsa.

IBA’T IBANG KLASE NG PASTA AT PIZZA

PASTA AT PIZZAIsa rin ang pasta at pizza sa kinahihiligan nating mga Pinoy. Sa bahay man o restaurant ay ino-order natin ito.

Napakarami rin ng klase ng pasta at flavor ng pizza ang puwede nating pagpilian, kaya’t hinding-hindi natin ito pinagsasawaang kainin o kahiligan.

Puwede rin tayong magluto nito o magpa-deliver.

ADOBO AT PRITONG MANOK

Dalawa sa putaheng pinakamadaling lutuin ang adobo at pritong manok. Lilinisin mo lang ng mabuti ang manok. Hindi ka na rin mahihirapan sa paghihiwa nito dahil sa pagbili mo pa lang sa palengke o grocery ay puwedeng-puwede mo na itong ipahiwa.

Kapag nahugasan ang manok, ilalagay lang ito sa kaldero at isasama ang mga sangkap, pakukuluin hanggang sa maluto.

Samantalang ang pritong manok naman, puwede mo itong lagyan ng breading o kaya naman, ibabad lang ito sa patis saka iprito.  Simpleng-simple lang din.

Dalawang putahe rin ito sa hindi kailanman nawawala sa hapag ng bawat Pinoy. Kinahihiligan ito, hindi lang ng mga bata kundi maging ng mga matatanda.

MAY FOREVER SA MONGGO AT PRITONG ISDA

MONGGO-ISDAIsa pa sa may forever sa hapag ay ang monggo at pritong isda. Magka-partner din ang monggo at pritong isda kaya’t hinding-hindi ito puwedeng paghiwalayin.

Marami rin ang nahihilig dito kaya naman, mainit man o malamig ang panahon, masaya man o malungkot ang isa sa miyembro ng pamilya, swak na swak itong ihanda.

Madali lang din itong lutuin.

Napakaraming pagkain nga naman ang kailanman ay hindi natin pagsasawaang kainin at kahit na paulit-ulit nating ihanda sa buong pamilya, patuloy nilang kinatatakaman. At kung tayo rin ang naghanda nito, mas lalong napasasarap ang kain ng mahal natin sa buhay.

Kaya maglaan tayo ng panahong magluto ng mga pagkaing katatakaman ng ating pamilya at iwasan ang madalas na pagkain sa labas.

Hindi rin kasi ta­yo nakatitiyak kung healthy at malinis ang pagkain sa labas. At para makasigurado lalo na ngayong nag-sisi­mula na sa pagpatak ang ulan, piliin ang mga lutong bahay na pagkain.

Ilan lamang ang mga nabanggit na putahe na sa kahit anong panahon at pagkakataon, swak na swak pagsaluhan. (photos mula sa blog.reddoorz.com, forums.episodeinteractive.com, twitter.com)

Comments are closed.