IBA’T IBANG URI NG BARIL NASAMSAM SA RAID SA MALABON

BARIL-3

IBA’T IBANG uri ng piraso ng baril ang nakum­piska ng awtoridad sa bahay ng isang Filipino Chinese businessman sa isinagawang raid sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Iprinisinta nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar at Malabon police chief Senior Supt. Jessie Tamayao sa mga mamamahayag ang mga nakumpiskang baril kabilang ang 2 cal. 22 revolver, 18 piraso ng cal. 38 revolver, 4 na shotgun at mga bala ng cal. 45.

Ayon kay Sr. Supt. Tamayao, alas-10:30 ng ­umaga nang salakayin ng pinagsamang mga tauhan ng Station Intelligence Branch sa pangunguna ni Insp. Rolando Domingo, Special Reaction Unit at Police Community Precinct (PCP) 2 ang bahay ni Ivan Ong Lee sa No. 4 Sampaguita St., Araneta Village, Brgy. Potrero na nagresulta sa pagkakakumpiska ng naturang mga armas.

Isinagawa ang raid sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Malabon City Regional Trial Court (RTC) Judge Rhoda Magdalene Mapile-Osinada ng Branch 289 dahil sa paglabag sa R.A 10591 at Election Laws subalit, hindi inabutan ng raiding team si Ong Lee.  VICK TANES

Comments are closed.