“ANO ba ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay?” (Mateo 16:25)
Isang gabi, nagkaroon ako ng panaginip. Sa panaginip ko, nagtuturo ako sa maraming tao at sinabi ko sa kanila, “Ang ginto ay hindi lamang ang metal na kulay dilaw. Maraming iba pang klase ng kayamanan. Ang mabuting kaibigan ay kayamanan. Ang ugaling palaipon ay kayamanan. Ang pagkakaroon ng karunungan ay kayamanan.
Ang pagkakilala sa Diyos ay kayamanan.”
May isang nakakatawang kuwento tungkol sa isang mayamang negosyante. Ang laki-laki ng kanyang pabrika at sobra-sobra ang pera niya para sa kanyang pangangailangan.
Marami siyang ari-arian, mansyon ang kanyang bahay, at napakagara ng kanyang kotse. Subalit masama ang ugali niya.
Marami ang namumuhi sa kanya. Isang araw, dinapuan siya ng isang matinding sakit at itinakbo siya sa isang mamahaling ospital.
Sinabi ng doktor na napakalubha ng kanyang karamdaman at maaaring ilang araw na lang ang natitira sa kanyang buhay. Habang nakaratay siya sa banig ng karamdaman sa pinakamalaking kuwarto sa ospital, wala man lang ni isang taong bumisita sa kanya.
Wala ang kanyang mga business partner. Wala ni isa sa kanyang libo-libong empleyado. At wala rin ni isa sa kanyang sampung mga anak. Ang naroroon lang ay ang kanyang butihing maybahay. Nakahilig ang ulo niya sa sinapupunan ng kanyang misis na humihimas-himas sa kanyang buhok. Tinanong niya ang kanyang maybahay, “Mahal, wala bang kahit isa man lang sa ating anak ang nakaisip na bumisita sa akin?” Sumagot ang misis niya, “Wala e. Katunayan pinaghahati-hatian na nila ang mga ari-arian mo.”
Naiyak ang may sakit. Nagtanong siyang muli, “Darling, wala bang kahit isa sa napakarami kong mga empleyado ang nakaisip na bumisita sa akin?” Sumagot ang asawa habang patuloy na hinihimas ang buhok ng maysakit, “Wala mahal. Katunayan, nagdiriwang sila dahil sa wakas, mamamatay ka na raw.”
Naiyak uli ang maysakit. Nagtanong ulit siya, “Aking sinta, wala ba maski na isa sa aking mga business partner na nakaisip na bumisita sa akin?” Sumagot ang asawa, “Wala darling. Katunayan ay binili na nila ang mga shares mo sa negosyo at tinanggal ka na sa pagiging may-ari.”
Naiyak uli siya. Pagkatapos, sinabi niya sa misis niya, “Mahal, napagtanto kong ikaw lang talaga ang tapat sa akin at nagmamahal. Dahil diyan, gusto kong magkumpisal sa iyo bago ako mamatay.”
Tinanong siya ng misis niya na may buong paglalambing, “Ano iyon, mahal ko?” Sumagot ang lalaki, “Sa ating 50 taong pagsasama, isang beses lang, isang beses lang akong nandaya sa iyo. Dinala ko sa motel ang sekretarya ko noong nakaraang buwan.” Sumagot ang misis habang patuloy na hinihimas ang buhok ng masysakit, “Alam ko iyon, mahal, alam ko iyon, kaya nga nilason kita e.”
Sa kuwentong ito, maliwanag na ang kayamanan ay hindi lang makikita sa dami ng pera o ari-arain, kundi mayroong iba’t ibang uri ng kayamanan. Sa aking pag-aaral, nakita kong may pitong aspeto ng pagiging matagumpay at mayaman. Ang unang aspeto, na marahil ang pinakamahalaga, ay ang ating relasyon sa Diyos o Espirituwal na bahagi.
Sinabi ni Jesus, “Aanhin ng isang tao kung mapasakanya man ang buong daigdig at mapapariwara naman ang kanyang kaluluwa sa impiyerno?” Sa Diyos tayo nanggaling at sa Diyos din tayo babalik. Kaya dapat ay tiyakin nating mabuti ang ating ugnayan sa Maykapal.
Ang pangalawang aspeto ng pagyaman ay tinatawag kong “psycho-emotional” o larangan ng diwa at damdamin. Ang pagkakaroon ng malusog at tumpak na diwa ay kayamanan din. Sa isang kurso ko sa Sikolohiya, bumisita kami sa Mental Hospital sa Mandaluyong. Maraming pasyente roon ay nasiraan ng bait o naging baliw.
Napakakawawa ang kanilang kalagayan. Para silang nasa piitan. At alipin sila ng mga gamot sa pag-iisip na dapat nilang inumin araw-araw, dahil kung hindi, magwawala sila o mananakit ng kasama nila sa bahay. Hindi maunawaan kung ano ang gusto nila. Ang iba ay mayayaman o mga anak ng mayaman subalit dahil sa napakalaking problema na hindi nila kayang malutas, bumigay ang kanilang diwa at nabaliw.
Ang pangatlong aspeto ay ang intellectual na bahagi o katalinuhan. Maaaring normal ang pag-iisip ng isang tao, subalit dahil sa kahirapan o katamaran, hindi sila nakapag-aral ng mabuti. Marami silang kamangmangan o kakulangan ng kaalaman at pinag-aralan. Madali silang maloko ng ibang tao. Naging mga uto-uto sila ng mga taong mapagsamantala. Maaaring trabaho sila nang trabaho at ipon nang ipon subalit madaling madaya o magoyo ng mga swindler, at nawawala ang lahat nilang pinagpaguran at inipon.
Ang pang-apat na bahagi ay ang larangan ng pakikipagkapwa-tao o social na larangan.
Ang negosyante sa aking kuwento ay may problema sa social na aspeto. Nagpabaya siya sa pakikipagkapwa-tao sa pamilya at mga katrabaho niya. Wala siyang kaibigan. Kiinamumuhian siya ng maraming tao.
Walang may gustong tumulong o dumamay sa kanya. Lubos siyang nag-iisa sa buhay. Hindi pa rin siya matatawag na mayaman kahit na marami ang pera. Ang panlima hanggang pampitong aspeto ng kayamanan ay tatalakayin ko sa susunod kong artikulo.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)