MATATANGGAP na ng mahigit 1.7 milyong regular government employees ang kanilang year-end bonus simula ngayong araw, Nobyembre 15, ayon sa Civil Service Commission (CSC).
Sinabi ni CSC Commissioner Aileen Lizada na itinatakda ng guidance na ang regular o plantilla position workers ay makatatanggap ng ilang buwang halaga ng sahod, kasama ang iba pang posibleng cash gift na mapagpapasyahan.
“Depende na rin ‘yan sa executive kung meron pa silang gustong ibigay, but this is really their prerogative in consultation with the DBM [Department of Budget and Management],” aniya.
Ayon kay Lizada, hindi kasali sa tatanggap ng year-end bonus ang 600,000 empleyado na nasa ilalim ng job order at contract of service (COS) dahil hindi sila kinikilalang regular workers.
Sa record ng CSC, may 400,000 job order at COS employees sa ilalim ng local government units (LGUs), at may 200,000 empleyado sa ilalim ng iba pang mga ahensiya.