(Ibibigay ng Kamara) P10-M PABUYA SA PINOY GOLD MEDALISTS

pabuya

MAGBIBIGAY  ng kabuuang P10 milyon na pabuya o insentibo ang mga kongresista sa mga atletang Pinoy na hahakot ng gintong medalya sa ginaganap na 30th South East Asian Games o SEAG.

Ayon sa tanggapan ni House Speaker Alan Cayetano, ang natu­rang halaga ay kokolek­tahin mula sa suweldo ng mga mambabatas sa Enero 2020 bilang pagkilala sa karangalang dala ng koponan ng Filipinas na inaasahang mag-uuwi ng kampeo­nato sa isinasagawang palaro.

Ang hakbang ay bahagi ng House resolution 568 na pinagtibay ng Kamara na bumabati sa mga atletang Pinoy na nakasungkit ng mga medalya sa 30th SEA Games. Itinuturing na pinakamalaki ang 30th SEA Games dahil sa 56 sports nito at 530 events.

Ang inisyatibong ito ay pinangunahan nina Speaker Cayetano, na siya ring presidente ng  Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC); House Majority Leader Martin Romualdez;  Deputy Speakers Paolo Duterte at Prospero Pichay; House Committee on Accounts chairman Rep. Abraham Tolentino, pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC); at House Committee on Youth and Sports Development chairman, Rep. Eric Martinez.

“Whereas, as a concrete manifestation of the commonality of the goal to bring honor and pride to the country, the leaders and members of the House of Representatives deem it pro­per to deduct individual pledges from their salaries for January 2020 as additional incentives to Filipino gold medal winners in the 30th SEA Games,” batay sa resolusyon.

Nakasaad din sa resolusyon na marapat lang bigyan ng dagdag pabuya mula sa Kamara at POC ang mga nagkamit ng SEAG gold medals dahil sa dangal at tagumpay na ibinigay ng mga ito sa ating bansa.

Ang P10 milyon mula sa Kamara ay dagdag pabuya para sa mga Pinoy gold medalist na makatatanggap din ng cash prize mula sa POC.

“The leaders and members of the House of Representatives in the 18th Congress stood in solidarity with Team Philippines throughout the competition in their quest to capture the gold medals in their respective sports, and bring honor and pride to the Filipino people,” ayon pa sa resolusyon.

Ang 30th SEAG ay pormal na binuksan ni Pangulong Duterte noong Nobyembre 30 sa isang magarbong se­remonya sa Philippine Arena sa Bulacan. Ito ay tatagal hanggang Dis­yembre 11.

Aabot sa 1,094 atletang Pinoy kasama ng 753 na mga coach ang lumalaban ngayon sa 30th SEA Games.