(Ibibigay ng pamahalaan kasunod ng serye ng oil price hike) FUEL CARDS SA PUV, TNVS DRIVERS

MAMAMAHAGI ang pamahalaan ng fuel cards bilang ayuda sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs) at transport network vehicle service (TNVS) kasunod ng serye ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kasama sa mga mabibigyan ng ayuda sa susunod na buwan ang mga driver ng tricyle, jeepney, bus, taxi, TNVS, gayundin ang  delivery riders.

Sinabi ng ahensiya na ipatutupad ang programa sa buong bansa ngunit kailangan pang makipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa local government units dahil hindi lahat ng mga driver sa listahan ay nasa ilalim ng LTFRB.

Ayon kay LTFRB Executive Director Tina Cassion, nasa P6,500 ang matatanggap kada unit at tinatayang nasa 377,433 ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo.

Pero para sa jeepney driver groups, dapat munang pagbigyan  ang hirit nilang ibalik sa P10 ang minimum na pasahe sa mga jeep sa gitna ng sunod-sunod na pagtataaa sa presyo ng petrolyo.

Kahapon, Martes, ay muling nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng big-time price hike. Ito na ang ika-7 sunod na linggo na may taas-presyo sa petrolyo.