MARAMI pa ang mawawalan ng trabaho sa Filipinas kapag binawi ng European Parliament ang tariff incentives sa exports ng Manila dahil sa isyu ng human rights, babala ng Philippine Exporters Confederation, Inc. (Philexport).
Ayon kay Philexport president Sergio Ortiz-Luis, Jr., ang banta ng European Parliament na suspendihin ang Generalized Scheme of Preferences Plus (GSP+) status ng Manila ay makaaapekto sa hanggang 20 porsiyento ng exports nito sa EU.
“Kung ‘di mo ihahanap ng kapalit ‘yun, siyempre, apektado, lalo ngayong pandemic, hirap na hirap bumalik ang mga kompanya… Kung talagang mawawala, talagang maraming maaapektuhang trabaho,” wika ni Otiz-Luiz.
“Siyempre, nakakabahala dahil 9 percent ng ating export eh sa EU. I think, in… 2019, mga 8 billion euro ang trade natin. At out of that, nag-e-enjoy yung GSP preference, mga 1.9 billion euro.”
Noong Biyernes ay hinamon ng Malacañang ang European Union na ituloy ang banta nito.
Sinabi ni Ortiz-Luis na maaaring abutin ng dalawang taon bago magkabisa ang pagbawi.
“Kung i-a-out ka nila, bibigyan ka ng tsansa na makapaghanda,” paliwanag niya.
“Lahat tayo ngayon, apektado… Pero ako, I’m very confident na maso-solve ‘yan. Madalas naman tayo tine-threaten d’yan pero may counters din within the EU na nagdedepensa sa’tin,” aniya.
Inaasahang tatamaan ang mga industriya ng coconut, marine products, semi-conductors, at leather goods.
“Isa pang malaking epekto sa atin ngayon, ‘yung mga tuna… Malalaking kompanya ‘yan,” dagdag pa niya.
Sa isang resolution, nanawagan ang EU Parliament sa Manila na itigil ang marahas na operasyon laban sa drug offenders, i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN Corp., at ibasura ang mga kaso laban kina Sen. Leila de Lima at Rappler CEO Maria Ressa.
Kinastigo naman ni Speaker Alan Peter Cayetano ang hakbang na ito ng European Parliament.
Ayon sa lider ng Kamara, mistulang binaril agad ng European ang pamahalaan bago sana nagtanong muna ito hinggil sa kung ano ang buong katotohanan sa usapin sa ABS-CBN at sa kaso ni Ressa.
Giit ni Cayetano, bukas at handa naman ang mga kasapi ng House of Representatives na humarap sa kanilang European counter-parts kung humiling ito ng diyalogo sa kanila para matalakay ang tungkol sa ABS-CBS franchise at asuntong kinakaharap ng Rappler lady official.
“We thus take offense that the EU Parliament criticized the Philippine Government first before asking questions, and prior to as-certaining the facts,” tigas na sabi ng House Speaker.
Ani Cayetano, hindi katanggap-tanggap ang panghihimasok ng EU sa ‘domestic matters’ ng Filipinas at mali rin ang paniniwala ng foreign institution na ito na may kaugnayan sa press freedom ang dalawang naturang isyu.
“Press freedom and the right to free expression are protected by no less than the Philippine Constitution, consistent with the Universal Declaration of Human Rights (UDHR) and the International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR),” sabi pa niya. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.