NAGBABALA ang local airlines na magkakaroon ng epekto sa pasahe sa eroplano ang pagtataas sa mga bayarin sa paggamit ng mga pasilidad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr) na ang landing at take-off fees na sinisingil sa airlines na gumagamit ng NAIA ay tinaasan, simula October 1, 2024.
Gayunman, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang pagtaas ay hindi nangangahulugan na tataas ang airfares, at sinabing maaaring i-absorb ng airlines ang bahagi nito o ipasa ang bahagi ng halaga sa mga pasahero.
Sa isang statement, sinabi ng AirAsia Philippines na ang “adjustments, covering fees, dues, charges and assessments, are expected to influence overall ticket pricing.”
Sa kabila nito, sinabi ni AirAsia Philippines head of Communications and Public Affairs Steve Dailisan na masusi pang pinag-aaralan ng airline ang posibleng operational impact ng bagong airport fees.
“While these adjustments present challenges, our guests can count on our brand promise of offering reasonable fares, so that everyone can fly,” sabi ni Dailisan.
Sinabi rin ng Cebu Pacific na ang pagtataas sa landing at takeoff fees sa NAIA ay makaaapekto kapwa sa airlines at mga pasahero.
“We recognize that it is necessary to invest in the improvements in both hard and soft infrastructure and look forward to working closely with NNIC for the benefit of our passengers,” ayon sa Cebu Pacific.
“We are optimistic that these enhancements will lead to more streamlined operations and better services, benefiting both passengers and airlines in the long term,” dagdag pa ng Gokongwei-led carrier.
Bukod sa take-off at landing fees, ang New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) — ang private operator ng NAIA— ay nakatakdang taasan ang passenger service charge sa susunod na taon mula sa kasalukuyang P550 sa P950 para sa international departing passengers at mula P200 sa P390 para sa domestic departing passengers.
Sa kanyang panig, sinabi ni NNIC General Manager Angelito Alvarez na ang airfares ay nadedetermina ng revenue management strategies ng airlines at hindi lamang ng operational costs.
“Increase in fare are revenue management [strategy] of airlines… it’s not just the take-off and landing fees… So it’s a revenue management scheme,” ani Alvarez.
Ang NNIC — binubuo ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics Inc., RLW Aviation Development Inc., at Incheon International Airport Corp. — ay nag-take over sa NAIA noong September 14, 2024.