(Ibinabala ng pamahalaan) ECONOMIC SABOTAGE VS PORK PRICE MANIPULATORS

Karlo Nograles

NAGBABALA kahapon si Cabinet Secretary Karlo Nograles na maaaring maharap sa kasong economic sabotage ang mga negosyanteng sinasamantala ang COVID-19 pandemic at ang African swine fever emergency para magtaas ng presyo.

Ginawa ni Nograles ang pahayag makaraang aprubahan ni Pangulong  Rodrigo Duterte noong Huwebes ang pagbuo ng isang task force na tutugis sa profiteers, hoarders, at smugglers ng mga produktong pang-agrikultura.

Pamumunuan ng Department of Agriculture (DA) at ng Department of Trade and Industry (DTI), ang task group on economic intelligence ay binubuo ng Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), National Bureau of Investigation (NBI),

Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC),Philippine Competition Commission (PCC), National Security Council (NSC), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

“Gusto habulin ni Pangulo at ng department of Agriculture ang [yaong] mga pinagsasamantalahan ang pinagdadaanan natin ngayong pandemya. Kailangan talagang parusahan ang nasa likod nito,” wika ni Nograles sa panayam sa isang news program.

Inilutang ni Nograles, chairman ng Task Force on Zero Hunger, ang posibilidad na kasuhan ng economic sabotage ang mga nagmamanipula ng presyo ng baboy.

“Kasi ang pagsasamantala ng presyo, ‘yung pagmanipula ng presyo ng baboy ay nakakaapekto sa inflation ng bansa,” aniya.

“Maaari  po [economic sabotage] ‘pag nakita nating andun ang elements of the crime kasi very technical ang economic sabotage,” dagdag pa niya.

Magugunitang pumalo sa P400 kada kilo ang presyo ng baboy noong nakaraang buwan kahit tapos na ang Christmas season at kaunti na lamang ang demand.

Sinabi rin ni Nograles na nagsumite na ang  DA ng intelligence report sa task group para sa verification. Gayunman ay hindi na siya nagbigay ng karagdagang impormasyon sa intel report ng ahensiya.

“Hintayin na lang natin ang magging resulta ng pag-verify ng intel reports,” aniya.

Comments are closed.