IBINABALA NG SEC: INVESTMENT SCAM PA

BOSS

BINALAAN ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang publiko laban sa panibagong investment scam na humihikayat na mamuhunan gamit ang social media o internet.

Ayon sa SEC, nakatanggap sila ng impormasyon na may mga indibidwal o grupo ng mga tao na kumakatawan sa Building Our Success Stories Network, Inc. (BOSS Network) na humihimok sa publiko sa pamamagitan ng social media na ipuhunan ang kanilang pera sa mga produkto na may mataas na kita.

Napag-alaman na ang BOSS Network ay nanga­ngalap ng mga miyembro na kailangang bumili ng alinman sa mga pakete na iniaalok na itinuturing na paunang puhunan.

Sinabi ng SEC na natuklasan nilang may elemento ng recruitment ang operasyon at ang kita ng kompanya ay nakabase sa pagsisikap ng mga tao na mangalap o mag-imbita ng mga miyembro, sa halip na direktang magbenta ng produkto ng kompanya.

Ang BOSS Network ay rehistrado sa komisyon su­balit  pinapayagan  lamang na makisali sa direct selling ng mga kalakal at produkto ng kompanya at hindi ang mag-solicit ng investment sa publiko.

Kaugnay nito, pinayuhan ng SEC ang publiko na huwag mamuhunan sa ganitong uri ng investment scheme.

Kung may mag-aalok ng investment na may mala­king tubo, suriin muna itong mabuti at alamin kung rehistrado o may lisensiya mula SEC, dagdag pa ng komisyon.

Kung may mga impormasyon hinggil sa pagpapatakbo ng katulad na investment scheme, tumawag lamang sa enforcement and investor protection department sa 818-6047.

Comments are closed.