(Ibinenta ng NIA sa Negros Occidental) 1K BAGS NG P29/KILO NG BIGAS

IPINAABOT ng National Irrigation Administration (NIA) ang P29 kada kilo ng bigas sa qualified Negrenses sa Kadiwa ng Pangulo store ng Negros Occidental Irrigation Management Office (IMO) sa Bago City noong Biyernes.

May 1,000 bags, na naglalaman ng tig-10 kilo ng bigas, ang ibinenta sa senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiaries.

“Our target is for every IMO to establish a Kadiwa ng Pangulo center where we can sell lower priced rice,” wika ni NIA-Western Visayas Acting Regional Manager Jonel Borres sa isang statement.

Ang Bagong Bayaning Magsasaka (BBM) Rice, produkto ng Farming Support Services Program, ay isa sa pilot projects ng NIA.

“It’s harvest season. Our production areas are distributed across Region 6, including Negros Occidental,” ani Borres.

Idinagdag niya na plano ng NIA-6 na palawakin ang kasalukuyang 1,200 ektarya ng planting sites sa susunod na taon upang madagdagan ang rice supply at maserbisyuhan ang mas maraming sektor bukod sa kasalukuyang vulnerable groups na nabebenepisyuhan ng P29 kada kilo ng bigas.

Mula Okt. 25 noong nakaraang taon hanggang Pebrero, ang Federation of Irrigators Association of Central Negros-Bago River Irrigation System ((FIACN-BRIS), na nasa ilalim ng NIA-Negros Occidental IMO, ay nagbenta rin ng bigas sa P25 kada kilo sa qualified Negrenses sa Bacolod City, Bago City, at Pulupandan town.

Sa pamamagitan ng “Bigasan ng Bayan” program, sa pakikipagtulungan sa provincial government, ang FIACN-BRIS ay nagbenta ng 14,675 kilo ng milled rice sa priority beneficiaries, kabilang ang senior citizens, persons with disability, at indigents. ULAT MULA SA PNA