ICONIC CLOCK TOWER NG MAYNILA DADAGSAIN NG TURISTA

ICONIC CLOCK TOWER NG MAYNILA

INAASAHAN na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turista sa “iconic clock tower” ng city hall na itinuturing na bersiyon ng Pilipinas ng ‘Big Ben’ sa London sa sandaling tuluyan nang matapos ang lahat ng renobas­yon dito at kapag nabuksan na sa publiko ang view deck nito.

Ayon sa pamahalaan ng lungsod isinagawa ang mga renovation sa makasaysayang clock tower bilang bahagi ng pagsisikap ng city go­vernment na gawin itong isa sa mga pangunahing atraksyon ng Maynila.

Labis na humanga ang punong lungsod sa mga materyales na ginamit sa pagsasaayos ng viewing deck dahil ito ay makakaakit ng mas ma­raming turista, lokal man o dayuhan. May mga comfort room din itinayo sa may clock tower para magamit ng mga bisita.

“Tama ‘yan. Di komo gobyerno eh nagtitipid kasi magiging tourist attraction ito sa mga foreigner,” pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno nang inspeksiyunin ang clock tower kasama si Manila City Engineer Armand Andres gayundin ang iba pang opisyal at empleyado ng city hall.

Sinabi ng 47-anyos na punong lungsod na maihahambing ang Manila City Hall clock tower sa Old Post Office at Clock Tower na matatagpuan sa Washington, D.C.

“Ang ganda ng view deck. May pinupuntahan ako sa Washington yung lumang post office. Doon ‘yung idea na ito. Of all post offices siya lang ang mas mataas sa buong Washingtong D.C. Tapos sasakay ka ng elevator maliit lang tapos kita mo na ‘yung buong Washington. Eto parang ganito. Doon kinuha ang concept nito, doon sa Old Washington Post Office,” paliwanag pa ng alkalde.

Nabatid na marami pang improvements na gagawin sa clock tower at isa sa mga habilin sa mga namamahala sa re­novation work na maglagay ng coffee shop kung saan maaaring makapag-relax ang mga bisita at makipagkuwentuhan sa kanilang mga kaibigan at mahal sa buhay.

Sinabi ni Moreno na kahit ang mga huwes, fiscal, abogado, at mga opisyal at empleyado ng city hall ay maaari rin dumaan sa lugar tuwing break time o kung hindi sila abala sa kanilang trabaho.

Maglalaan din ng puwang para sa mga pintor at iba pang artista upang ipakita ang kanilang mga gawa. Dapat din maglagay ng information board na nagsasabi tungkol sa kasaysayan ng tower clock para sa mas mahusay na pagpapahalaga sa lugar.

Isang iconic na trademark ng Maynila at city hall ang clocktower ay dinisenyo ni Antonio Toledo at pinasinayaan noong 1930s.

Bilang pinakamalaking clock tower sa Pilipinas, ang hexagonal shaped tower ay may isang pulang-mukhang orasan na nakalagay sa tatlong facet nito.

Nakaharap sa Sila­ngan ng Intramuros, ang neoclassical na gusali ng city hall ay nakikilala sa pamamagitan ng isang kaakit-akit na clock to­wer na maganda ang liwanag sa gabi.

Nawasak ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at itinayong muli noong 1946.

Sa gabi, ang clock tower ay pinananatiling iluminado ng liwanag. Ang kampana ng orasan ay tumutunog ng tatlong beses bago sundan ng isang himig.

Tumutunog ang mga kampana na nasa loob ng tore bilang tanda ng breaktime ng mga empleyado ng Manila City Hall. Muling tumunog ang mga kampana sa pagsasara ng araw ng negosyo.

Sa panahon ng Pasko, ang clock tower ay nakaprograma upang tumugtog ng mga awiting Pasko na maririnig sa labas ng gusali ng Manila City Hall.

Bagama’t regular na minomonitor para sa synchronization, may mga pagkakataon na ang tatlong orasan ng Manila City Hall clock tower ay magpapakita ng magkaibang oras.

Inatasan din ng alkalde ang renovation team na maglagay ng information boards tungkol sa kasaysayan ng Maynila upang malaman ng mga bisita ang napakayamang kasaysayan ng lungsod.

“Tapos ‘yung mga turista i-package mo Manila Zoo. Tapos Jones Bridge, Lagusnilad, Kartilya (ng Katipunan), Mehan Garden, tapos ‘yung Intramuros. Pwede mong gawin ‘yun eh tourism group,” dagdag pa nito. VERLIN RUIZ