UMAPELA ang pamunuan ng Presidential Security Group (PSG) sa mga nabigyan ng identification cards para sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, na huwag itong i-post sa social media.
Paliwanag ng PSG, ito ay upang hindi magkaroon ng pagkakataon ang mga masasamang loob na makopya ang mga ID at magamit para makapasok sa Batasan na maaaring maging banta sa seguridad.
Nakalatag na ang mahigpit na seguridad sa loob at labas ng Batasan at magpapatuloy ito hanggang matapos ang SONA ng Pangulo.
Magpapatupad naman ng maximum tolerance sa mga magdaraos ng kilos protesta ang lahat ng security forces partikular ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang pagsunod na rin sa utos ni Pangulong Duterte.
Kaugnay nito ay tiniyak na hindi lalabas ng Batasan ang Pangulo para makipag-usap sa mga militante, sa halip ay ang mga ito ang papapasukin sa loob ng Kamara.
Ayon kay House Sergeant at Arms retired Lt. Gen. Roland Detabali na gusto nilang matiyak ang seguridad ng Pangulo kaya ipatatawag na lamang nila sa loob ang mga militanteng grupo.
Sinabi pa ni Detabali na walang terrorist threat, chemical o biological threat sa SONA ng Pangulo. “Gusto lang nating masiguro na hindi tayo malulusutan” pahayag pa nito.
Inabisuhan na rin ni Detabali ang advisers ng Pangulo na hindi dapat na lumabas pa ang Chief Executive.
Comments are closed.