IF BINAWI ANG PAGKILALA SA PSI BILANG PH NSA PARA SA SWIMMING

BINAWI na ng world governing body para sa swimming ang pagkilala nito sa Philippine Swimming, Inc. (PSI) sa loob lamang ng 12 araw makaraang alisin ng international federation (IF) na dating kilala bilang FINA sa listahan nito ang mga miyembro ng PSI board of trustees at officers, kabilang ang presidente nito.

“The recognition of Philippine Swimming, Inc. is now deemed withdrawn and the stabilization committee will act as a reform and electoral committee in its place,” pahayag ng FINA sa isang memo na may petsang December 15 at naka-address kay PSI president Maria Lailani “Lani” Velasco.

Kilala ngayon sa bagong brand name na World Aquatics, ang swimming IF ay nagpasyang tanggalin ang PSI sa listahan nito ng national federations sa isang meeting noong December 12 makaraang abisuhan ng Philippine Olympic Committee (POC) sa paglikha ng stabilization committee na magpapatakbo sa day-to-day operations ng asosasyon bukod sa pag-amyenda sa by-laws nito at pagdaraos ng bagong eleksiyon.

Bunga ng ikalawang memo, sinabi ni POC president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino na ang stabilization committee ay may karagdagang responsibilidad na lumikha ng bagong corporate name o identity ng national sports association (NSA) para sa swimming kapalit ng PSI.

“The stabilization committee will have—as a more onerous task—to recommend an entirely new NSA for swimming,” sabi ni Tolentino, na siya ring presidente ng national federation for cycling na tinatawag na PhilCycling. “The committee has six months to do that and make the communications with the FINA.”

Binawi ng FINA, sa isang liham na may petsang December 3, ang pagkilala nito sa mga opisyal at board members ng PSI makaraang mabigo umano ang NSA na sumunod sa direktiba ng IF sa pag-amyenda sa by-laws nito at magdaos ng eleksiyon sa ilallm ng bagong charter nito.

At tulad sa December 3 memo, ang POC at si Philippine Sports Commission chairman Emmanuel “Noli” Eala ay pinadalhan ng kopya ng December 12 decision.

Nagtalaga ang POC ng tatlong miyembro ng stabilization committee—POC legal head Atty. Wharton Chan at deputy secretary general Valeriano “Bones” Floro at Bases Conversion Development Authority senior vice president Arrey Perez.

Ang pinakahuling IF memo ay nilagdaan din ni FINA executive director Brent Nowicki at ipinag-utos ang agad na pagpapatupad sa desisyon.