HINDI na umano dapat pang hintayin ng liderato ng Kamara na kapag ipinatupad na ang direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na bigyan ng rice allowance ang mga kawani ng pamahalaan ay mapa “sana all” na lamang ang mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sinabi ni House minority bloc ranking member at AGRI party-list Rep. Wilbert Lee na maaaring makatanggap din ng benepisyong libreng bigas ang private sector workers kung maaaksiyunan at ganap na maaaprubahan ang inihain niyang House Bill No.1296 o ang ‘An Act Promoting Corporative Farming and Providing Incentives for its Effective Implementation’.
“Huwag na nating hintayin na sabihin ng mga kababayan natin na ’sana all’. Talakayin po natin ang panukalang naglalayong itatag ang mga partnership sa pagitan ng private sector at ng mga magsasaka para sa rice allowance ng mga empleyado nila,” sabi pa ng kongresista.
Magugunita na kamakailan ay ipinahayag ni Pangulong Marcos ang nakatakdang pagkakaloob ng rice allowance sa nasa 1.3 million state workers upang matulungan ang mga ito sa nararanasang pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Bukod dito, sinabi rin ng Punong Ehekutibo na ang rice allowance program na ito ay makatutulong din sa mga lokal na magsasaka na matiyak na ang kanilang inaning palay ay mabibili ng pamahalaan sa tamang halaga, na siyang panggagalingan ng bigas na ipamamahagi sa mga kawani ng pamahalaan.
Kaya naman binigyang-diin ni Lee na ang iniakda niyang HB 1296 ang kasagutan para ang mga manggagawa sa pribadong sektor ay magkaroon din ng kahalintulad na benepisyo.
Paliwanag niya, layunin ng kanyang panukalang batas na magkaroon ng matatag na partnership ang farming organizations at komunidad kung saan naroon ang partikular na private company o corporation.
Sa ilalim ng HB 1296, ang pribadong kompanya ang magbibigay ng kapital na kailangan para sa agricultural productions at bibili rin nito, habang ang farmers’ group at local community ang silang bahala sa pagsasaka, pagtatanim, fisheries o livestock raising and maintenance.
“This measure shows us that there is a solution to the rising cost of goods through collaboration among the public and private sectors and our farmers. I hope that we can pass this bill soon so that we can help not just government employees, but all employees,” dagdag ni Lee.
ROMER R. BUTUYAN