(Ihahain na sa Kamara)PANUKALANG P5.268-T 2023 NAT’L BUDGET

kamara

PORMAL na isusumite ngayong araw ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang pambansang badget para sa taong 2023, na aabot sa P5.268 trillion.

Inaasahang mismong si Budget Secretary Amenah Pangandaman ang mag-aabot ng kopya ng 2023 National Expenditure Program (NEP), ang bersiyon ng administrasyon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ng 2023 national budget, sa matataas na opisyal na Kamara, na pangunguna ni Speaker Martin G. Romualdez.

Ang turnover ceremony ay idaraos sa social hall ng Speaker’s Office ganap na alas-10 ng umaga.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Pangulo ng bansa ay kinakailangang makapagsumite sa Kongreso ng General Appropriations Bill (GAB) sa loob ng 30 araw mula sa pagbubukas ng regular session ng sangay ng lehislatura.

Ang GAB ay naglalaman ng halaga ng pondo na ilalaan sa bawat gastusin o mga programa at proyekto na ipatutupad ng gobyerno, kasama na ang pagtukoy kung saan kukunin ang kaukulang badget at ang kabuuang koleksiyon para sa kasalukuyan at nais na maipatupad na revenue measures.

May kalakip ding ‘budget message’ ng Punong Ehekutibo ang ipapasa ng Malakanyang na panukalang pambansang budget para sa mga mambabatas at bansa.

Dahil ang Kamara ang binigyan ng kapangyarihan, base sa itinatakda ng Konstitusyon na magpasimula ng pagtalakay sa lahat ng panukalang batas na may kaugnayan sa “appropriation, revenue o tariff bills, bills authorizing increase of the public debt, bills of local application, at private bills”, ito ang nararapat na tumanggap ng kopya ng proposed national budget.

Subalit bilang tradisyon, ang Palasyo ay nagbibigay rin sa Senado ng kopya ng NEP sa kaparehong araw na nagsumite ito sa Lower House.

Ang panukalang badget para sa susunod na taon, na maituturing na unang buong isang taon na budget ng Marcos Jr. administration ay mas mataas ng P244 billion o katumbas ng 5 porsyento kumpara sa P5.024 trillion na national budget ngayong taon.

Samantala, tiniyak nina Speaker Romualdez at House Majority Leader Manuel Jose ‘Mannix’ Dalipe na matatapos nila ang committee at plenary deliberations para sa 2023 budget proposal bago ang kanilang unang session recess sa October 1, na magtatagal hanggang sa November 6.

“Last Congress, we did it, we were able to beat the September 30 deadline. We gave all members of the House time to deliberate, interpellate intelligently on all departments,” sabi ni Dalipe .

“The budget process starts here and we want to give all House members time to scrutinize the proposed budget. I can confidently say that we can make the September 30 deadline,” dagdag ng Zamboanga City 2nd Dist. solon.

Nabatid na sisimulan ng House appropriations committee ang pagbusisi nito sa NEP sa pamamagitan ng briefing ng economic managers ng Marcos administration hinggil sa macro-economic parameters na pinagbasehan para sa pagbalangkas ng 2023 proposed national budget sa August 26.

Target ng nasabing komite na tapusin ang mga pagdinig nito pagsapit ng September 16, at magkaroon ng dalawang linggo na plenary deliberations kung saan magagawa ang pag-apruba sa third and final reading bago ang kanilang October 1 recess.

ROMER R. BUTUYAN