IKA-127 NA LADY COP NAMATAY SA COVID-19

ISANG babaeng pulis ang ika-127 na nasawi sa COVID-19 sa police force, ayon sa pinakahu­ling datos ng Philippine National Police Health Service (PNP-HS).

Batay sa record, naka-assign sa Zamboanga City ang 39-anyos na si Patient 127 na pumanaw noong Enero 26.

Nabatid na noong Enero 17 ay nagpakonsulta si Patient No.127 sa kanilang Health Station Unit dahil sa mataas na lagnat at lumalabas sa laboratory result na mataas din ang creatinine nito at noong Enero 24 ay nagpositibo ito sa RT-PCR test.

Nagpahatid naman ng pakikiramay si PNP Chief Gen. Dionardo Carlos at buong PNP sa mga naulila ng pumanaw na pulis.

Samantala, pumalo na sa 46,737 ang nakarekober sa sakit makaraang madagdag ang 325 pulis na nakalabas sa isolation facility dahil pawang gumaling na.

Gayunpaman, mayroong 208 pa na tinamaan kaya ang kasalukuyang ginagamot na pulis ay 1,489 pa habang ang kabuuang kaso sa PNP ay 48,353. EUNICE CELARIO