IKA-5 MVP AWARD KAY JUNE MAR

june mar

SA IKA-5 sunod na season ay itinanghal si San Miguel center June Mar Fajardo bilang Most Valuable Player ng PBA.

Opisyal na tinanggap ni Fajardo ang MVP trophy sa isang seremonya bago ang pagbubukas ng 44th season ng liga kahapon sa Philippine Arena.

Tangan ngayon ni Fajardo ang pinakama­raming MVP trophies sa kasaysayan ng PBA, kung saan binasag nito ang pagtatabla kina PBA legends Alvin Patrimonio at Ramon Fernandez. Siya rin ang una at nag-iisang player sa mahabang kasaysa­yan ng liga na nanalo ng limang sunod na MVP awards.

Si Fajardo ay may average na 20.6 points at 12.4 rebounds kada laro para sa San Miguel, na nagkampeon sa All-Filipino Cup para sa ika-4 na sunod na season noong nakaraang taon.

Mahigpit na nakalaban ni Fajardo para sa pinakamataas na individual honor ng liga si NorthPort guard Stanley Pringle, na naging kahanga-hanga ang  performance noong nakaraang season.

Mas mataas ang statistical points ni Pringle (1107-1032), gayundin ang player votes (395-327), subalit nangibabaw si Fajardo sa media (777-389) at sa liga (300-150), upang kunin ang MVP plum na may maliit na kalamangan, 2436-2041.

Sinamahan na lamang ni Pringle ang SMB big man sa First Mythical Team, makaraang magtala ng average na 21.0 points, 6.6 rebounds, at 5.5 assists kada laro noong nakaraang taon.

“Sana hindi po ito ‘yung last,” wika ni Fajardo makaraang tanggapin ang award.

“Ang gusto ko lang naman ay mag-improve. Ayaw kong ma­ging stagnant.”

Si Fajardo, na pinasalamatan ang kanyang pamilya, college coach, at ang kanyang koponan para sa makasaysayang tagumpay, ay sinamahan ng kanyang mga magulang sa entablado.

Nakasama nina Fajardo at Pringle sa First Mythical Team sina Paul Lee (Magnolia), Japeth Aguilar (Barangay Ginebra) at Marcio Lassiter (San Miguel Beer).

Ang Second Mythical Team ay binubuo naman nina Arwind Santos (San Miguel), Poy Erram (NLEX), Scottie Thompson (Barangay Ginebra), Mark Barroca (Magnolia) at Matthew Wright (Phoenix).

Pinangunahan din ni Fajardo ang All-Defensive Team, kasama sina teammate Chris Ross, Rafi Reavis at Rome dela Rosa ng Magnolia, at Gabe Norwood ng Rain or Shine.

Comments are closed.