PORMAL na binuksan kahapon nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna sa Ospital ng Tondo (OsTon) ang ika-5 walk-in COVID-19 serology testing center sa Jose Abad Santos, Manila.
Ayon kay Moreno, ang naturang testing facility ay may kakayahang mag-accommodate ng 100 katao kada araw na bukas mula Lunes hanggang Biyernes, simula ala-6 ng umaga.
Binigyang diin ni Moreno, ang mga walk-in testing center sa lungsod ay bukas at libre, hindi lamang para sa mga Manilenyo, kundi para sa lahat ng mga mamamayan.
Layunin nito na ipakita ang ‘inclusive approach’ na ginagamit ng lokal na pamahalaan para labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.
“It’s going to be given for free by our Manila City government. Naaawa naman ako sa tao. May mga gusto na pumasok sa trabaho, gagastos pa sila. Ang negosyante, lugi-lugi na rin. Gagastos pa sila for testing. That is why we’ve always wanted to offer this service,” anang alkalde.
“Kahit sino, pwede magpa-test dito. Kahit hindi taga-Maynila. (The COVID-19 pandemic) is a universal problem. We have to approach it inclusively. That is why this is open for all and for free,” dagdag pa nito.
Kasabay nito, sinabi rin ni Moreno na isa pang swab testing laboratory ang nakatakdang buksan sa mga susunod na araw na may kakayahang makapagsagawa ng halos 1,000 swab tests kada araw.
“Palalakasin din namin ang capability ng local government sa pamamaraan ng ‘gold standard’ way of testing. We are about to finish an additional swab laboratory testing area with two machines given to us by DOH and DBM. Kapag natapos na namin itong laboratory, aabot kami ng isang libong swab tests kada araw, and it’s going to be offered for free,” giit ni Moreno.
Nabatid din na bukod sa limang walk-in serology testing centers, mayroon na ring dalawang drive-thru testing sites, isang swab testing laboratory at isang regular mobile serology testing ang lungsod. VERLIN RUIZ
Comments are closed.