MAGSASAGAWA ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isa pang job fair para sa Filipino workers na naapektuhan ng ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Mayroon kaming susunod na jobs fair sa susunod na buwan. Palalawakin nami ang information dissemination at nakikipag-ugnayan na kami sa mga employers nila na pahintulutan ang manggagawa nila na lumahok,” wika ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma.
Ayon kay Laguesma, 300 job seekers lamang ang dumating sa DOLE job fair para sa POGO workers kamakailan. Sa naturang bilang, may 33 ang hired on the spot.
Samantala, hindi pa naisasapinal ng DOLE ang venue para sa recruitment fair subalit sinabi ng ahensiya na isasagawa ito malapit sa mga lugar ng POGO firms.
Ayon kay Laguesma, kukuha rin sila ng mas maraming employers at kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa posibleng oportunidad sa ibang bansa.
“Puwedeng ang mga na-offer na trabaho ay ‘di nagma-match sa kanilang skills o kaya ‘yung kanilang ginagawang trabaho ay kailangan i-enhance. Mayroong direction na dagdagan ang skills through reskilling at upskilling,” ani Laguesma.
Noong Setyembre, sinabi ng kalihim na tinatayang 40,000 Filipino workers ang maaapektuhan ng ban sa POGOs. Sa nasabing bilang, 70% o kabuuang 26,996 workers ang na-profile.