MATAPOS maghatid ng tulong sa mga apektadong residente, dalawang araw pagkatapos ng pagputok ng Bulkang Taal, nagbalik ang pamahalaang Lungsod ng Taguig upang magbigay ng libreng medical assistance at relief packs sa higit 122 na pamilya mula sa bayan ng Laurel sa Batangas na lumikas dahil sa kalamidad.
Ang aktibidad ay sa Splendido Evacuation Site sa bayan ng Laurel kung saan nagtulong-tulong ang iba’t ibang departamento ng lokal na pamahaan ng Taguig upang masigurado na mabibigyang responde ang bawat pangangailangan ng halos 500 indibiduwal na lumikas sa kani-kanilang tahanan upang makaiwas sa mas matinding panganib.
Ang charitable effort na ito ay nagsimula sa isang medical mission na pinangunahan ng Taguig City Health Office matapos humingi ng tulong medikal ang lokal na pamahalaan ng Laurel para sa evacuees nito. Nagdala rin sila ng isang botika kung saan maaaring makakuha ng mga gamot ang mga nangangailangan.
Samantala, ang mga kabataan naman ay tinipon para sa mga palaro, magic, at puppet shows upang maging psychosocial support.
Matapos maghatid ng tulong pangmedikal sa lahat ng mga lumikas, nakatanggap din sila ng food packs, tubig, hygiene kits, kumot, at banig mula sa Taguig City Social Welfare and Development.
Nagbigay rin ang Taguig sa bawat pamilya ng water jugs at Sodium hypoclorite na ginagamit upang maging ligtas inumin ang tubig. Tinuruan din ang mga lumikas kung paano nila ito gagamitin.
Ilang truck ng tubig at gamit pampalinis naman ang dala ng Taguig Rescue. Tumulong rin ang Taguig City Police sa medical mission.
Ang medical mission at relief operation na ito ay naging posible sa pakikipagtulungan sa mga opisina nina Sen. Pia Cayetano, House Speaker Alan Peter Cayetano, at Taguig 2nd Dist. Rep. Lani Cayetano. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM