(Ikinakasa ng DA) BLACKLIST VS SMUGGLERS

DESIDIDO si Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na i-blacklist na ang mga nananamantalang importers sa bansa.

Sa panayam ng media, sinabi ni Tiu Laurel na may nasampolan na silang importer ng bigas at sa ngayon ay may apat pang kompanya ang nasa listahan nito ng iba-blacklist dahil sa kanilang kaugnayan sa smuggling ng agricultural products.

Aniya, dalawa sa mga ito ay importer ng isda, isa ang nag-i-import ng bigas at isa sa asukal.

Giit ng kalihim, maituturing na economic sabotage ang ginagawa ng mga importer na ito.

Posible aniyang ilabas ng ahensiya ang listahan ng mga blacklisted na kompanya sa mga susunod na buwan.

Bukod sa hakbang na ito, nakipag-ugnayan na rin ang DA sa Food and Drug Administration (FDA) para ma-deputize ang mga tauhan ng DA Inspectorate and Enforcement at mag-inspeksiyon sa mga shipment ng processed goods na napalulusutan na rin ng smuggled agri products.

 PAULA ANTOLIN