NAGLATAG ang state-run Land Bank of the Philippines (LandBank) ng P10-billion facility para sa mga rural bank na naapektuhan ng bagyong Odette na tumama sa bansa noong nakaraang taon.
Sa ilalim ng programa, ang LandBank ay magkakaloob ng tulong sa countryside financial institutions (CFIs) sa anim na rehiyon na nagdeklara ng state of calamity dahil sa bagyong Odette.
Ayon sa LandBank, ang anim na rehiyon na sakop ng programa ay ang Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga.
Tinawag na “Rehabilitation and Support to Typhoon Odette-Affected Areas” o CFI-RESTORE Lending Program, ang facility ay nagkakaloob ng permanent working capital at capital expenditures.
Sakop din ng programa ang rural, thrift, at cooperative banks, na maaaring makahiram ng hanggang 85% ng aktuwal na pangangailangan para sa permanent working capital at capital expenditure.
Kinabibilangan din ito ng hanggang 90% ng sub-borrowers’ agricultural loans, at 85% para sa non-agricultural loans.
Ang programa ay magpapataw ng interest rate na 4% per year na naka-fix para sa unang tatlong taon, “subject to repricing.”
Maaari itong bayaran ng hanggang tatlong taon para sa working capital, 10 taon para sa capital expenditure, at 10 taon para sa term loan rediscounting.
“In the face of unprecedented financial challenges brought about by calamities, LandBank stands ready to assist CFIs to sustain their operations,” wika ni LandBank President and Chief Executive Officer Cecilia Borromeo.
“This is part of our commitment to advance local recovery and help build more resilient communities nationwide,” dagdag pa niya.