(Ikinasa ng Manibela sa Hunyo 10-12) 3–ARAW NA TIGIL-PASADA

NAGKASA ang transport group Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ng panibagong 3-araw na tigil-pasada sa susunod na linggo bilang protesta sa panghuhuli sa unconsolidated jeepneys.

Ayon sa  Manibela, isasagawa nila ang transport strike mula Hunyo 10 hanggang 12.

Magsasagawa rin ng kilos-protesta ang grupo sa harap ng tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sinabi ni Manibela Chairman Mar Valbuena na sa isang hearing sa House transportation committee kamakailan ay hiniling sa Department of Transportation (DOTr) na ikonsidera ang pagkakaloob sa unconsolidated operators ng one-year provisional authority (PA) upang hayaan silang imodernisa ang kanilang mga sasakyan.

Aniya, nagawa ng kanyang grupo na i-modernisa ang ilan sa kanilang jeepney units sa halagang P900,000 lamang, mas mura kaysa P1.6 million hanggang P2.8 million modern jeepney units na karaniwang binibili ng transport cooperatives.

Noong ikalawang linggo ng Mayo ay sinimulan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtatalaga ng  enforcers upang i-check ang mga dokumento ng mga pumapasadang jeepneys.

Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz III,  ang LTFRB enforcers ay mag-iisyu ng traffic citation tickets sa mga driver na mahuhuling gumagamit ng colorum vehicles. Ang kanilang driver’s license ay papatawan din ng 1-year suspension.

Ang mga kolorum na sasakyan ay i-impound at ang operator ay pagmumultahin ng P50,000.

Ang mga unconsolidated jeepney matapos ang April 30 deadline ng consolidation ay itinuring nang kolorum ng LTFRB.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO), 80% ng PUV operators at drivers ang umanib sa mga kooperatiba bilang bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

 EVELYN GARCIA