MAGSASAGAWA ang National Economic and Development Authority (NEDA) ng regional consultations kaugnay sa Trabaho Para sa Bayan plan, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang Trabaho Para sa Bayan plan ay isang 10-year employment roadmap na makatutulong na makalikom ng hindi bababa sa tatlong milyong trabaho pagsapit ng 2028.
“[I]to na ‘yung na-submit sa Pangulo, ‘yung tatagos sa term niya. May karagdagan pang apat na taon para matugunan ang mandato ng batas na 10-year national employment masterplan,” pahayag ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Magugunitang noong 2023 ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Trabaho Para sa Bayan Act, na naglalayon ding magkaloob ng suporta sa micro, small, and medium enterprises at industry stakeholders.
Ayon kay Laguesma, ang mga industriya sa health-related services, tourism, construction, Information Technology-Business Process Outsourcing, energy, agriculture, education, at creative industries ay makalilikha ng trabaho para sa mga Pilipino.
“Malaking bahagi ng panggagalingan ng de kalidad na trabaho ay nasa manufacturing. Siyempre bahagi rin ‘yung transportation and logistics,” paliwanag ni Laguesma.
Aniya, layunin din ng Trabaho Para sa Bayan plan na magbigay ng job opportunities sa marginalized at vulnerable sectors gaya ng persons deprived of liberty, mga kabataab at mga kababaihan.
Ang Trabaho Para sa Bayan-Inter-Agency Council ay pamumunuan ng NEDA director general.
Ang secretaries ng DOLE, Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government, Department of Budget and Management, Department of Finance, at ang director general ng Technical Education And Skills Development Authority ang magiging miyembro ng inter-agency council.
Magiging bahagi rin ng council ang mga kinatawan mula sa labor organizations, employer organizations, informal sector, at marginalized and vulnerable sectors.