BIBIGYAN ng amnestiya ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga korporasyong nabigong makasunod sa reportorial requirements ng regulator.
Ayon sa SEC, nasa 22,403 ordinary corporations ang nanganganib na mabawian ng certificates of incorporation dahil sa kabiguang isumite ang kanilang general information sheets (GIS) sa loob ng limang taon magmula sa petsa ng kanilang incorporation.
Inilabas na rin ng corporate regulator ang listahan ng 298,335 ordinary corporations, na hindi nakapagsumite ng kanilang GIS ng tatlong sunod o paulit-ulit sa loob ng limang taon.
“Under Section 21 of Republic Act No. 11232, or the Revised Corporation Code of the Philippines (RCC), a corporation that does not formally organize and commence its business within five years from the date of its incorporation shall have its Certificate of Incorporation be deemed revoked following the end of the five-year period,” ayon sa SEC.
Samantala, sa ilalim ng Section 177 ng RCC, “SEC may place a corporation under delinquent status should they fail to submit their reportorial requirements three times, consecutively or intermittently, within a period of five years.”
Gayunman, para mabigyan ng pagkakataon ang non-compliant at inactive corporations na maibalik ang kanilang kompanya sa good standing, inilunsad ng SEC ang isang amnesty program.
Ayon sa SEC, maaaring mag-avail ang eligible corporations ng amnesty sa pagtanggap sa web-based Expression of Interest form sa kanilang SEC Electronic Filing and Submission Tool (eFAST) accounts, at pagbabayad ng amnesty fee at petition fee, sa kaso ng suspended at revoked corporations
Makaraang magpakita ng kanilang intensiyon na mag-avail ng amnesty, kailangang isumite ng eligible corporations ang kanilang latest due GIS at audited financial statements (AFS) sa eFAST.
Ayon sa SEC, ang suspended at revoked corporations ay kailangan ding magsumite ng kanilang petisyon para alisin ang suspensiyon o revocation.
“Corporations applying for amnesty may proceed to the SEC Amnesty Micro-site at amnesty.sec.gov.ph for the step-by-step guidance on how to avail of the program,” dagdag ng corporate regulator.