MAGSASAGAWA ang transport group Manibela ng tigil-pasada mula August 14 hanggang 16 makaraang ibasura ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang Senate resolution para sa suspensiyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
“Sa susunod na linggo, magkakasa kami ng mga kilos protesta o kung hindi man, mga transport strike simula sa Miyerkoles, Huwebes, at Biyernes sa susunod na linggo,” wika ni Manibela head Mar Valbuena sa isang press conference nitong Huwebes.
“Hindi po kami nananakot. Sa susunod na Miyerkoles kung wala pong malinaw na direktiba galing Malacañang, [Department of Transportation], o Land Transportation Franchising and Regulatory Board] kung papaano itong minorya na natitira, strike po kami,” dagdag pa niya.
Ayon kay Valbuena, hindi tinugunan ng Pangulo ang ispesipikong alalahanin ng mga senador na nanawagan na pansamantalang suspindehin ang PUVMP, na tinatawag ngayong Public Transport Modernization Program (PTMP).
‘Dahil ‘yung sinabi po ninyo kahapon, naka-hang po kami lahat sa ere. Ang malinaw tuloy-tuloy, pero ang guidelines hindi pa rin malinaw kung paano ipapatupad nang mas maayos ang PUVMP,” sabi ni Valbuena.
Nanindigan si Pangulong Marcos noong Miyerkoles na tuloy ang PUVMP/PTMP sa kabila ng Senate resolution na nananawagan para sa suspensiyon nito
Sa Proposed Senate Resolution 1096 na nilagdaan ng 22 sa 23 senador ay hiniling sa pamahalaan na pansamantalang suspindehin ang pagpapatupad ng transport modernization program.
Tinukoy ng mga mamababatas ang mga alalahanin sa malaking bilang ng unconsolidated PUV units, phaseout ng iconic jeepney design para palitan ng modern jeepneys, at mababang porsiyento ng aprubadong ruta.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nasa 81.11% o 155,513 ng 191,730 PUV units ang nakapag-consolidate na hanggang noong Mayo, habang . kabuuang 36,217 PUVs ang nananatiling unconsolidated.
Para sa mga ruta, 74.32% o 7,077 9,522 ang consolidated habang 2,445 ruta ang nananatiling unconsolidated.