(Ikinatuwa ng exporters) ‘COMPETENT’ ECONOMIC TEAM NI BBM

PINURI ng mga exporter ang bagong economic team sa ilalim ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr., at sinabing ang mga appointee ay may “expertise and competence“ na kinakailangan para gabayan ang bansa tungo sa pagbangon sa gitna ng “unprecedented economic at fiscal challenges.”

Ayon kay Sergio Ortiz-Luis, Jr., presidente ng Philippine Exporters Confederation, Inc. (PHILEXPORT), ang umbrella organization ng Philippine exporters, “masaya ang organisasyon sa pagtatalaga sa economic cluster, dahil ang impresibong credentials at track records ng team members ay inaasahang makatutulong sa bansa na mapanatili ang respeto at kredibilidad sa local at international community.”

Dagdag ni Ortiz-Luis Jr. na ang PHILEXPORT ay nakipagtulungan sa karamihan sa economic managers sa mga nakalipas nitong adbokasiya na nakasentro sa pagsusulong sa export at pagsuporta sa exporters at  micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Aniya, umaasa ang trade associations sa mas maigting na diyalogo at pakikipagtulungan sa incoming economic cluster sa pagtugon sa maraming isyu na kinaharap ng MSMEs at exporters, na pinakaapektado ng nagpapatuloy na pandemya, inflation, tumataas na presyo ng petrolyo,  geopolitics, at  trade disruptions.

Inaasahang magiging maayos ang transition sa Department of Finance na pamumunuan ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno dahil matagal na niyang katrabaho ang economic managers ni Pangulong Duterte, habang si Felipe Medalla bilang incoming BSP head, ay kasalukuyang nasa Monetary Board.

Ganito rin ang inaasahan para kay dating Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan at siya ring unang chairman ng Philippine Competition Commission (PCC) na itinatag sa panahon ng Duterte administration.

Dadalhin naman ni Alfredo Pascual ang kanyang  academe at business background sa pamumuno sa Department of Trade and Industry.

Umaasa si Ortiz-Luis Jr. na bibigyang prayoridad ng bagong administrasyon ang kagyat na mga isyu na kinakaharap ng export at  MSME community, kabilang ang pagluluwag at pagpapababa sa halaga ng pagnenegosyo, pagpapatupad at pag-update ng Philippine Export Development Plan, MSME Development Plan at ng Strategic Investments Priorities Plan, at ang pagratipika sa  Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) para sa pinalawak na market access.