(Ilalaan ng DA-BFAR)P100-M SA SALT PRODUCTION

MAGLALAAN ang Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) ng P100 million na pondo para palakasin ang salt industry ng bansa.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni BFAR Chief Information Officer Nazzer Briguera na makatutulong ito sa paglikha ng mga trabaho sa bansa.

“Ilalaan po ang pondong ito para sa pagpapalakas ng kapasidad ng ating mga salt makers dito sa bansa. Nandiyan po ang pagbibigay sa kanila ng makabagong teknolohiya, makabagong kagamitan at kaalaman po para masiguro din iyong aspeto ng food safety dito sa ating asin dahil ito po ay bahagi ng ating pagkain,”

Ayon kay Briguera, bahagi ito ng agricultural agenda ni Presidente at Agriculture Secretary Ferdinand Marcos Jr.

“Ito po’y lilikha ng mas maraming trabaho. Ibig sabihin po nito mas aangat ang kabuhayan ng mga sektor na nasa industriya po ng pag-aasin. Ito po sa pangkalahatan ang nakikita natin na magiging resulta sa tuluy-tuloy na pagbibigay-pansin ng pamahalaan sa industriyang ito,” dagdag pa niya.

Sinabi ng BFAR na panahon na para pagtuunan ng pansin ang salt industry dahil matagal na itong napabayaan.

Ibinunyag kamakailan ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Incorporated na umaangkat ang bansa ng 93% ng salt supply nito sa China at Australia, kung saan sinabi ng Department of Agriculture (DA) na “nakalulungkot ito para sa isang bansa na may 36,000 kilometers ng shoreline.”

Sinabi ni Briguera na kailangan pang beripikahin ang impormasyon dahil walang comprehensive data ang pamahalaan sa salt supply ng bansa dahil hindi binibigyan ng sapat na atensiyon ang industriya sa mga nakalipas na taon.

“Sa ngayon po, aminado tayo na pagdating sa datos sa volume of production, kailangan pa pong palawakin ito kasi sa mga nakaraang taon, hindi ito nabigyan ng tutok… bahagi po ng intervention na [ito] ay magkaroon tayo ng komprehensibong datos po muna,” aniya.

Gayunman, sinabi ng BFAR official na magpopokus ang DSIP sa pag-iwas ng bansa na dumepende sa salt importation.