(Ilalabas ng DTI sa mid-November) PRICE GUIDE SA NOCHE BUENA ITEMS

NAKATAKDANG ilabas ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price guide para sa Noche Buena items sa kalagitnaan ng Nobyembre.

Ayon sa DTI, may 237 items ang sasaklawin ng price guide, at idinagdag na ang nasabing mga produkto ay hindi isasailalim sa price control.

“Sa kasalukuyan, hihintay pa natin makumpleto ‘yung ating listahan. Ito ay sumasakop ng mga 237 items…so mga produkto na inilalagay natin sa price guide for Noche Buena. So, gusto ko lang ilinaw, tayo po ay hindi naglalagay ng SRP or price control sa mga produktong ito,” wika ni DTI Fair Trade Group supervising head Assistant Secretary Agaton Uvero sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing.

“Ito po ay basehan lamang, para ang ating mga konsyumer pagdating ng Pasko ay marunong pumili at magkumpara ng presyo. Inaasahan natin na ilalabas natin ito mga middle of November,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ng DTI na kalahati sa sakop ng Noche Buena items ay hindi inaasahang magkakaroon ng price hikes.

“Mahigit kalahati naman dito so far, base sa aming nakalap na presyo sa mga manufacturers, eh hindi naman nagtaas ng presyo kumpara sa nakaraang taon. May mga iba naman nagtaas ng less than 5%. Kaunti lang ‘yung nagtaas ng more than 5%,” sabi ni Uvero.

Sa Noche Buena Price Guide noong 2023 ay may 152 mula sa 240 product lines ang nagtaas ng presyo.

Sakop ng price guide para sa Pasko noong nakaraang taon ang ham, fruit cocktail, cheese, keso de bola, mayonnaise, all-purpose cream, sandwich spread, pasta/spaghetti, spaghetti sauce, elbow macaroni, tomato sauce, at salad macaroni.