UMAKYAT na sa 24 ang bilang ng mga biktima ng paputok na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa pagkatapos lamang ng pagdiriwang ng Pasko.
Batay sa Fireworks-Related Injuries (FWRI) Report #5 na inilabas ng DOH, lumitaw sa monitoring ng DOH na mula 6:00 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng umaga ng Disyembre 26, na nadagdagan pa ng 11 bagong kaso, ang unang 13 kaso lamang, na naitala nila mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 25.
Sa kabila naman nito, sinabi ng DOH na mas mababa pa rin ang naturang bilang ng 28 kaso o 54% kumpara sa naitalang FWRI cases sa kahalintulad na reporting period noong 2017.
Ayon sa DOH, ang 11 bagong FWRI cases ay mula sa National Capital Region, na may apat na kaso; tatlo ang mula sa Region VI at tig-isa naman mula sa Regions IV-A, V, VII, at IX.
Ang 10 sa mga bagong biktima ay nasugatan sa paputok, habang ang isa pa ay isang anim na taong gulang na batang lalaki na nakalunok ng pili cracker.
Nabatid na ang naturang bata ay mula sa Tondo, Manila, at aksidenteng nakalunok ng pili cracker, na maaari umanong nagtataglay ng potassium nitrate at potassium chloride.
Kaagad namang naisugod sa Philippine General Hospital (PGH) para malunasan ang bata, na naka-confine pa hanggang sa ngayon matapos na makitaan ng mga senyales ng pagkalason.
Sinabi ng DOH na sa mga bagong kaso, walo ang nasugatan sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko habang ang tatlong iba pa ay huling nai-report lamang.
Ang mga biktima ay nagkaka-edad ng mula dalawa hanggang 49-taong gulang, at karamihan ay mga lalaki.
Kabilang sa mga paputok na naging dahilan ng pagkasugat ng mga biktima ay ang boga, triangle, 5-star, kwitis, piccolo, camara, at iba pa, ha-bang ang nalunok naman ay pulbura ng flash bomb at pili cracker.
Ang 15 naman sa kabuuang bilang ng mga nabiktima ng paputok ay nasugatan o nalapnos lamang, tatlo ang kinakailangang putulan ng bahagi ng katawan tulad ng daliri, habang anim ang nagtamo ng sugat sa mata.
Lahat naman ng mga biktima ay napagkalooban na ng lunas sa mga pagamutan at nasa maayos nang kalagayan sa kasalukuyan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.