UMAKYAT na sa 22 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok, ilang araw bago sumapit ang Bagong Taon.
Ayon sa Fireworks-related injuries (FWRI) report ng Department of Health (DOH), mula ala-6 ng umaga ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng madaling araw ng Disyembre 27, nadagdagan pa ng tatlo ang unang 19 na FWRI na iniulat sa kanilang tanggapan ng may 61 sentinel hospitals sa bansa.
Nilinaw naman ng DOH na mas mababa pa rin ito ng 35% o 12 kaso mula sa 34 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Nabatid na ang mga biktima ay pawang nasugatan sa paputok at wala namang naiulat na kaso ng stray bullet o fireworks ingestion.
Pinakamaraming naitalang kaso ng FWRI sa National Capital Region (NCR) na umabot sa anim na kaso; sumunod ang Calabarzon na may apat na kaso at Region 1 na may tatlong kaso.
Ang Regions 2 at 7 naman ay nakapagtala ng tig-2 kaso, habang ang Regions 5,6,11 at 12, gayundin ang Mimaropa ay nakapagtala ng tig-isang kaso.
Ayon sa DOH, ang mga nasugatan ay nagkaka-edad lang ng 4 hanggang 60 taong gulang, at karamihan sa kanila ang mga lalaki na nasa 77% o 17 kaso.
Ang 14 kaso o 64% ay nagtamo ng blast/burn injuries na hindi nangangailangan ng amputation, pito o 32% ang nagtamo naman ng eye injuries at isa o 5% ang nasabugan sa kamay na nangangailangang putulan ng daliri.
Ang paputok naman na nakasugat sa mga biktima ay Boga at luces, na may tig-apat ng biktima, kwitis at piccolo na may tig-dalawang biktima, habang tig-iisa naman ang nabiktima ng 5 star, baby rocket, fountain, kalburo, bamboo canon, mini bomb at whistle bomb, at tatlo ang nabiktima ng di natukoy na paputok.
Kaugnay nito, patuloy na umaapela sa publiko ang DOH na huwag nang gumamit ng paputok upang matiyak na magiging ligtas ang pagsalubong ng lahat sa Taong 2020. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.