NANAWAGAN si Senador Alan Peter Cayetano sa Senado na gawing confidential ang ilang bahagi ng budget ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Department of National Defense (DND) upang hadlangan ang mga rebelde mula sa pagkuha ng intel sa gobyerno.
“Why is it that we make it so easy for those who want to topple the government to show the budget of the AFP, PNP, and DND? Hindi ba dapat mayroon tayong classification system na ‘for your eyes only’?” ani Cayetano sa isang manifestation sa plenary debate ng 2023 budget ng Department of National Defense (DND) na itinaguyod ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Sinabi ni Cayetano kung paano itinatago ng New People’s Army (NPA) ang sarili nitong budget, ganoon din dapat panatilihing sikreto ng gobyerno ang impormasyon sa ilang aspeto ng defense budget nito.
“We have an estimate, we have intelligence, we have eyes on the ground, but there is no way to find out the exact budget and the number of arms, troops, et cetera of the enemy. (We don’t have) the exact number, unlike the budget of the AFP (which) is in the GAA (General Appropriations Act),” aniya.
Sinabi ni Cayetano na hindi niya nakikita ang punto nang lantarang talakayin ang budget ng AFP, PNP, at DND sa Kongreso “because we’re on media, social media, [and] there could be people here who are precisely here tonight to figure out kung ano ang meron tayo at wala.”
Sinabi niya na dapat mayroong isang sistema ng pag-uuri para sa budget ng mga ahensiya kung saan ilang impormasyon ay pinananatiling lihim upang hindi mabigyan ng hindi nararapat na kalamangan ang mga kaaway ng estado.
May mga paraan din aniya para mapanagutan ang DND hinggil sa paggamit nito ng budget nang hindi inilalagay sa panganib ang mga tao nito.
Inamin ni Cayetano na may mga tututol sa kanyang mungkahi na huwag hayagang pag-usapan ang mga budget ng AFP, PNP, at DND dahil maraming tao ang humihiling ng ganap na transparency mula sa gobyerno, ngunit hindi aniya ito nangangahulugang hindi ito tama.
“Gumawa tayo ng mas magandang paraan to hold them (DND, AFP, and PNP) accountable but not expose them to more danger,” aniya. VICKY CERVALES