ILANG ‘BBB’ PROJECTS MATATAPOS NGAYONG TAON

Committee chairperson Anna Mae Yu Lamentillo

ILANG proyekto sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program ng administrasyong Duterte ang matatapos ngayong taon.

Ayon kay Build, Build, Build Committee chairperson Anna Mae Yu Lamentillo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang North Luzon Expressway (NLEx) Harbor Link mula Caloocan City hanggang Valenzuela City ay nagbukas na kamakailan.

“Within the year, hopefully by the December, mabuksan po natin ‘yung second phase of project na papunta po hanggang Port Area in Manila,” aniya.

Ang nasabing proyekto ay magpapabilis sa biyahe mula Port Area hanggang  NLEX sa 15 minuto.

Sinabi pa ni Lamentillo na 70 percent ng mga trak ang gagamit sa naturang ruta sa halip na major thoroughfares kaya gagaan ang trapiko sa Metro Manila.

“Itong project na ‘to, connected po siya sa NLEx-SLEx Connector sa Caloocan Interchange. Tapos ‘yung SLEx-NLEx Con-nector po natin ko-connect po siya sa Skyway Stage 3,” aniya.

“So, magkakaroon po ng loop. Mako-connect po natin ‘yung north, west, south at east part ng Metro Manila,” dagdag pa niya.

Samantala, ang Laguna Lake Expressway, kabilang ang bike lanes nito, ay nakatakdang matapos sa second quarter ng taon, ha-bang ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx) ay makokompleto sa Hunyo.

Paliwanag pa ni Lamentillo, hindi lamang ang Metro Manila ang makikinabang sa ‘Build, Build, Build’ program kundi ang buong bansa.

“Makaaasa po kayo na ang Build, Build, Build program ay hindi lang po natin mararamdaman sa Metro Manila kundi pati sa Luzon, Visayas at Min­danao,” dagdag pa niya.

Kabilang din sa proyekto ang pinakamahabang tulay sa bansa na itatayo sa Mindanao.

Ang ‘Build, Build, Build’ projects ay makokompleto sa 2022.