DAHIL sa mahabang bakasyon, hindi napuno ng mga pasahero ang mga bus sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kahapon na biyaheng patungong mga probinsiya.
Ayon sa mga ticketing clerk ng PITX, karamihan kasi umano sa mga biyahero ay nitong Holy Week bumiyahe at nasa probinsiya pa.
Subalit, may ilang pasahero na sinamantala pa rin ang tumal ng mga biyahero para makauwi sa probinsya.
Anila, mas pinili nilang huwag nang makipagsiksikan nitong mga nakaraang araw kaya ngayon lang bumiyahe.
Hindi man okupado ang lahat ng upuan, lumalarga pa rin ang mga bus dahil kailangan ang mga ito sa mga probinsiya, lalo’t mayroon na ring mga pasaherong bumabalik sa Metro Manila.
Kasabay nito, nag-abiso na rin ang ilang mga bus company na magbaon ng pasensya ang mga pasahero dahil sa inaasahang pagbagal ng biyahe pabalik ng Metro Manila bunsod ng dami ng bilang ng mga sasakyan at road repairs sa ilang bahagi ng Quezon province.
Inaasahan na aabot 1 hanggang 2 oras umano ang dagdag sa kani-kanilang biyahe.