ILANG MAHAHALAGANG PUNTOS SA PAGGAWA NG BUSINESS PLAN

dok benj

TANONG: Doc Benj, ano-ano po ang dapat kong isipin sa paggawa ng Business Plan?

Sagot: Ang Business Plan ay ang parang Bibliya ng iyong itatayong business. Makikita dapat dito ang concept ng iyong business, maipaliwanag dito kung paano ka makakabenta at kikita, mga pag-aaral na iyong ginawa para mabuo ang iyong produkto, business at pamamaraan ng pagbi-business. Dito mo masasabi talaga kung magkakaroon ka ng pagkakataong makapagnegosyo. Ang iba ay gumagawa pa ng Feasibility Study bago ang paghahanda ng Business Plan. Ang feasibility study naman ay mga pagsasaliksik, research at pag-aaral kung ano talaga ang akmang negosyo sa lugar o kung sa initial na pag-aaral ay posibleng magawa ang isang negosyo. At kung possible ang negosyo, gagawa ka na ng business plan. Maraming available na template o gabay sa paggawa ng business plan at maaari mo itong ma-search sa internet. Narito ang ilang puntos na dapat mong mapahalagahan sa paggawa ng business plan.

  1. Pag-aaral ng Location – Dito dapat ay maunawaan ang kapaligiran ng lugar kung saan mo itatayo ang negosyo para mas malaman mo kung paano mo ia-approach ang mga possible mong clients sa lugar at malaman ang kanilang behaviour sa pagbili. Maintindihan kung talaga bang akma ang produkto mo sa mga taong iniisip mong bentahan sa lugar o madaling mapuntahan ang negosyo mo ng mga hindi taga-roon o kung may dadayo man.
  2. Customers o Mamimili – Intindihing mabuti ang target na mamimili at at mga posibleng maging target pa kung baga mayroon kang primary target at secondary. Maunawaan ang kakayahan nilang bumili at ang paraan na gusto nilang makabili. Masiguro mo dapat kung mayroon ka talagang posibleng bibili ng produkto mo at sapat ba ang bilang para ang business mo ay umusad. Sa iba ang tawag dito ay Target Market. Tandaang nakadepende dapat ang produktong ibebenta mo sa gusto at pangangailangan ng mga mamimili.
  3. Promotions – Dito dapat maplano mo kung paano mo sila mahihikayat na masubukan ang produkto mo at mapananatiling lagi o regular na bibili ang customers mo kaya gagawa ka ng mga promotional activities. Gagawa ka ng paraan na makilala ka nila at ang value ng produkto mo na ino-offer mo sa kanila kaya dapat nilang bilhin ang produkto mo. Gagawa ka ng mga introductory o pagpapakilala na activities, pang-maintain ng customer na activity o pang loyal customers na mga pampaengganyo. May kaakibat na gastos din ang mga ito kaya magandang maaral kung ano ang epektibong paraan ng pagpapakilala.
  4. Proseso ng Business – Magtanim ng magandang impression sa mga customer sa pagpapakita ng maayos at magandang proseso dahil dito natin mas mahihikayat na makabenta. Mahalagang maaral kung mabilis, tama, kapaki-pakinabang at ma-saya ang mga customer sa iyong mga proseso ng pag-order, pagdedeliver o paghahatid ng order, paggawa ng produkto, paniningil ng bayad at pagpapasaya o satisfaction ng customers. Pag-aralan kung kailangan magbenta sa internet para sa mas malawak na saklaw ng pagnenegosyo.
  5. Kompetisyon – Sino-sino ang mga kahati mo sa pagbebenta ng kaparehas mo na produkto, at alamin kung malaki ba ang demand ng consumers at kahit may kaparehas ka ng produkto ay kikita ka pa rin. Maunawaan ang kalaban sa pagnenegosyo at isipin kung paano mo sila mahihigitan para sa pagkakataon mong kumita at makakuha ng mga customer. Mayroon kang mga direct competitor – ito ang mga kaparehas mo na produkto at indirect customers- hindi mo kaparehas na produkto pero bumibili sila ng substitute na produkto imbes na ‘yung binebenta mo. Maikumpara mo ang negosyo mo sa ibang kompanya para mas malaman mo ang dahilan kung bakit pipiliin ng mamimili ang produkto mo kaysa sa iba at magkaroon ka ng competitive advantage.
  6. Maglaan ng Panahon – Sa mga unang buwan ng iyong negosyo mahalagang ikaw ay hands-on para mas lalo mong maunawaan ang nangyayari at makadesisyon ka kaagad kung mayroon kang mga dapat baguhin sa business model mo. Mas maiintindihan mo ang customers, competition at direksiyon ng business mo kung maglalaan ka ng iyong panahon at ikaw mismo ay mag-manage para mas maitakda mo ang mga controls na gusto mo at ang dapat na behaviour ng mga tauhan mo. Magandang ikaw ang unang nakakaunawa ng mga pangyayari sa business at maramdaman ang dapat na gawing pagbabago maliit man o malaki. Ilagay mo sa plan kung ano ang partisipasyon mo bilang isang may-ari at ang mabuting maidudulot mo.
  7. Gumawa ng Relasyon sa Community o Mga Partner – Ito ang isang area na mahalaga ang iyong role bilang may-ari. Kailangang magkaroon ka ng mga relasyon sa community, companies, suppliers at lalo na sa customers para sa mas matibay ng pag-usad ng iyong negosyo. Makakadesisyon ka kung magbibigay ka ng discounts o mga freebies para sa mga taong tingin mong magdadala sa ‘yo ng negosyo o customers. Makakapag-invest ka sa mga tao na magpapalawak ng iyong net-work na posibleng bumili ng iyong produkto. Mahalaga ang relasyon dahil dito nagsisimula ang loyalty at ‘pag may loyalty ay may mga repeat orders at ito ang magbibigay ng sustainable growth sa iyong negosyo.
  8. Laman ng Business Plan – Unawain ang step by step na paggawa at mga nilalaman ng business plan. Maintindihan kung ano ang iyong a. Marketing; b. production and operations at; c. financial plan. Magandang ma-review ito ng mga eksperto at mga kakilalang nagnenegosyo.

May mga taong hindi gumagawa ng pormal na business plan at nagiging matagumpay pa rin. Maaaring hindi ka gumawa pero mas mababawasan mo ang iyong agam-agam o ang sugal sa pagnenegosyo kung ikaw ay maraming pag-aaral patungkol sa negosyo at gagawa ka ng business plan. Katulad ng paggawa ng isang bahay, mas mainam na ikaw ay may plano simula sa pundasyon hanggang sa finishing at ganoon  din sa negosyo. Mas maraming tao ang nalugi dahil hindi sila gumawa ng business plan at basta sumugal na lamang. Ang plano ang magbibigay ng direksiyon at gabay sa tagumpay.

Kung nais mo ng tulong sa pagpaplano ng negosyo at para sa mga ilan pang katanungan, maaari ninyo akong ikonsulta, i-email ninyo ako sa [email protected].  Kung may pangangailangan sa Accounting, Taxation, Audit o anumang business-related, matatawagan ninyo ako sa 0917-876-8550.

Comments are closed.