ILLEGAL POSTERS BAKLASIN

IPINATATANGGAL na ng Commission on Elections (Comelec) ang  campaign materi-als na iligal ang pagkakalagay at matatagpuan sa labas ng mga itinatakdang common poster areas.

Batay sa Resolution No. 10323 na inisyu ng Comelec en banc, partikular na inaatasan ng poll body na manguna sa naturang aktibidad ang kanilang mga election officer, gayundin ang mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Inatasan din ng Comelec ang mga election officer na makipag-ugnayan sa pamunuan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagtatanggal ng mga naturang campaign materials.

Ang DPWH at MMDA ay kabilang sa government agencies na deputized ng Come-lec upang makatuwang nila sa pagbabakbak at pagtatanggal ng mga ‘unlawful cam-paign materials.’

Matatandaang nagtakda ang Comelec ng mga lugar bilang common poster areas at mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng campaign poster sa mga puno, foot bridge, poste ng ilaw at kable ng kuryente.

Maaari namang magpaskil ng campaign materials sa mga private property, kung may pahintulot ito ng may-ari ng lugar.

Babala naman ng Comelec, ang mga kandidatong hindi tatalima sa panuntunan sa kampanya ay maituturing na paglabag sa batas sa eleksiyon, na maaaring humantong sa kanilang diskuwalipikasyon.

Ang campaign period para sa Barangay at SK elections ay nagsimula noong Mayo 4 at magtatapos na bukas, Mayo 12, habang ang election day naman ay idaraos sa Lunes, Mayo 14.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

Comments are closed.