(Ilulunsad ng DA ngayong Hulyo) RICE FOR ALL PROGRAM

P29 PROGRAM. Beneficiaries from the vulnerable sector flock to Barangay Fortune, Marikina City during the first day of the “P29 Rice Program” large-scale trial of the Department of Agriculture on Friday (July 5, 2024). Beneficiaries can purchase the subsidized rice at PHP29 per kilo every Friday, Saturday and Sunday, with a limit of 10 kilos per household. (PNA photo by Stephanie Sevillano)

ALINSUNOD sa direktiba ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr., ilulunsad ng Department of Agriculture (DA) ang “sustainable” Rice for All program nito ngayong Hulyo upang mapagkalooban ang general public ng mas murang bigas.

Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na ang lahat ng mga detalye at hakbang ng Rice for All program ay isasapinal sa loob ng linggong ito, na may planong  initial launch sa Kadiwa sites na nagho-host ng P29 program.

Ang P29 program ay ang subsidized rice sa halagang P29 kada kilo sa vulnerable sectors, kabilang ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, solo parents, at persons with disabilities (PWDs).

Inilunsad ng DA ang large-scale trial para sa P29 program noong nakaraang Hulyo 5 sa 10 Kadiwa stores: Bureau of Animal Industry Dome and National Irrigation Administration sa Quezon City; Bureau of Plant Industry sa Malate, Manila; Food Terminal Inc. sa Taguig City; Philippine Fiber Industry Development Authority sa Las Piñas; Bayani Fernando Central Terminal o BFCT at Barangay Fortune sa Marikina; at mga lugar sa Caloocan, Valenzuela, at  San Jose del Monte, Bulacan.

Samantala, ang Rice for All Program ay magbebenta ng bigas sa general public sa P45/kg. hanggang P48/kg.

“We want this (Rice for All) to be a sustainable and long-gestating program. Ang target natin hanggang matapos ang termino ng Pangulo,” wika ni De Mesa.

Aniya, ang suplay ng Rice for All program ay pinagsamang imported at  local well-milled rice mula sa partner farmer cooperatives at private traders.

Ayon kay De Mesa, plano ng  DA na palawakin ang P29 at  Rice for All programs, sa pakikipagtulungan sa local government units, sa Visayas at Mindanao sa Agosto.

Samantala, sinabi ni De Mesa na pinag-aaralan ng ahensiya na magtakda ng purchase limit para sa Rice for All program upang maiwasan ang pag-abuso.

“Isa iyan sa pinag-aaralan namin kasi puwedeng ma-subject sa abuse kapag walang limit. Kapag binili iyan, baka mamaya ibenta sa mas mahal lalo na kung bultuhan ang bibilhin mo,” aniya.

Naunang nang nagpatupad ang DA ng 10-kilogram sa 5-kilo increments purchase limit per household para sa P29 program.

Bukod sa purchase limits, pinag-aaralan din ang logistics at pipiliing lugar upang matiyak ang mas maayos na access sa publiko.

Sa kasaluluyan ay may  472 Kadiwa stores sa buong bansa, kabilang ang 266 regular Kadiwa stores, 119 regular Kadiwa pop-up stores, 52 regular Kadiwa ng Pangulo (KNP) sites, 32 Kadiwa-on-wheels, at 3 Kadiwa centers.

PAULA ANTOLIN, PNA