IKINASA na rin ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang heightened alert para sa South East Asian (SEA) Games at sa paparat-ing na Christmas holiday sa bansa.
Ang pagpapalabas ng direktiba ni BI Commissioner Jaime Morente ay bilang paghahanda sa mga paparating na mga Filipino at mga dayuhan sa susunod na mga Lingggo para sa gaganaping aktibidad sa bansa.
Base sa datos, umabot ng 1.5 milyon na mga pasahero ang dumating sa bansa noong Disyember 2018 habang 1.2 milyon ang naiwan.
Pahayag ni Morente na karamihan sa mga umuuwi ay mga overseas Filipino workers (OFW) na nakatira sa abroad, upang magdiwang ng Kapaskuhan dito sa Filipinas.
Ipinaalala rin ni BI Port Operations Division Chief Grifton Medina sa lahat ng mga empleyado ang pagpapatupad ng ‘No Leave, No Absences’ lalo ngayong mayroong SEA Games at holiday rush. “Our men have been instructed not to go on leave during the peak season to maximize our manpower,” ayon kay Medina.
Nagpaalala rin si Medina sa mga biyahero na “arrive early, at least three hours before your flight,” at umapela sa kanila na magtiis sa mahabang pila.
Inatasan rin ni Morente si Medina na pagtuunan ng pansin ang mahabang pila sa international airports na mabawasan ito.
MGA DAYUHAN PINAALALAHANAN SA E-CIGARETTE BAN
Pinaalalahanan naman ng Philippine National Police ang mga dayuhan na huwag gumamit ng vape sa public places. Inaasahan na maraming dayuhan ang daragsa sa bansa dahil sa SEA Games. Ang direktiba ng PNP na dadakpin ang mahuhuling vapers ay kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal ang vaping. P. ROLDAN/V. RUIZ